Green Batters, bigong paamuin ang NU Baseball Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NALANTA ang sigasig ng De La Salle University Green Batters sa bagwis ng defending champion na National University (NU) Baseball Team, 4–14, sa pagtatapos ng unang yugto ng University of the Philippines Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Baseball Tournament sa Rizal Memorial Coliseum kahapon, Marso 11.

Maagang umabante ang NU nang mapausbong ni John Olazo si Kenneth Maulit sa homerun, 0–1, ngunit sinagot naman ito ni Green Batter Liam De Vera nang mapauwi si Michael Villamiel sa homerun, 1–all.

Pagsapit ng ikalawang inning, tuluyang nagningning ang opensa ng NU matapos tumira si Olazo patungong sentro na siyang nakapagpauwi kay Gio Gorpido, 1–2, 

Agaran din itong sinundan ni Charles Chua ng isa pang malakas na palo patungong kanan upang itarak ang tatlong puntos ng NU, 1–4.

Tumantos naman ang Berde at Puting koponan ng puntos sa ikatlong inning nang tumira si Marco Tantuico patungong sentro, 2–4. 

Humina ang depensa ng Taft mainstays matapos makatuntong sina Olazo at Gorpido sa ikalawa at ikatlong base bunsod ng magkakasunod na strike ball galing kay Renato Samuel, na tuluyang nauwi sa tatlong homerun, 2–8. 

Sinubukan naman itong habulin ng depensa nina Yuan Sumague at Villamiel matapos kumamada ng dalawang puntos, 4–8.

Muling umigting ang tirada ng mga taga-Jhocson matapos pumukaw ng hampas ni Chua na siyang nakapagpauwi kay Gab Francisco, 4–9. 

Sinubukan pang habulin ito ng mga taga-Taft nang tumira si Bautista at Sumague patungong sentro ngunit hindi naging sapat para makausbong sa ikatlong base. 

Hindi naman nagpahuli ang magkapatid na Kenneth at Kevin Maulit matapos tumudla ng tig-isang puntos mula sa tirada ni Julius Soriano, 4–11.

Tuluyang sumiklab ang hinagpis ng dalawang Maulit sa ikawalong inning matapos nitong ilista ang tatlong puntos sa huling inning, 4–14.

Sa kabila ng pagkabigong makamit ang panalo kontra defending champions, raratsada ang Taft-based squad sa ikalawang yugto ng torneo bitbit ang 3–2 panalo–talo kartada.