
INIHAWLA ng De La Salle University Green Batters ang Adamson University Baseball Team, 15–12, sa kanilang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 8.
Umukit agad ng momentum ang La Salle sa bisa ng base hits at timely runs, 1–0.
Bumuwelta naman ang San Marcelino-based squad nang dagitin ang itinatag na momentum ng La Salle pagsapit ng ikaapat at ikalimang inning, 2–4.
Muli namang napasakamay ng Berde at Puting koponan ang suwerte sa ikaanim at ikapitong innings sa pangunguna nina Liam De Vera, Yuan Sumague, at Marco Tantuico, 7–6.
Gayunman, nagpasiklab ang Adamson upang tantusin ang kanilang ikapitong puntos sa ikawalong inning na nagtabla ng bentahe, 7–all.
Pagdako ng ika-10 inning, dinomina ng Berde at Puting koponan ang Adamson, 15–12, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Bitbit ang 3-1 panalo-talo kartada, kahaharapin ng Green Batters sa kanilang huling pagsubok sa unang yugto ng torneo ang defending champion na NU Baseball Team sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa Miyerkules, Marso 11.
