
Humuhubog ng bagong anyo ang kabataan sa bawat hakbang, itinataguyod ang tulay na mag-uugnay sa pangarap at realidad ng bayan.
Ikinasa ng Junior Philippine Institute of Accountants – De La Salle University Chapter (JPIA-DLSU) ang ika-15 edisyon ng EXCEED—ang pinakamalaking accounting convention at challenge sa Pilipinas—na nagsimula na nitong Marso 7 at ipagpapatuloy sa Marso 14, 21, at 28.
Sa pagdiriwang ng ika-70 taon ng JPIA-DLSU, ibabandera ng EXCEED 2026 ang temang “Revitalizing Paradigms: Empowering Business Paragons in Nation-Building.” Layunin nitong magbukas ng entablado at diskurso para sa mga estudyante ng Accountancy upang maipakita ang kanilang kahusayan sa larangan at kumonekta sa mga lider ng industriya.
Tampok sa programa ang kapana-panabik na Accounting Challenge na binubuo ng iba’t ibang patimpalak. Nagtagisan na ang mga kinatawan ng bawat paaralan sa semifinal round ng Business Case Competition nitong Marso 7. Muling magtatagpo ang mga nagwagi sa final round ng kompetisyon sa Room 1903 ng Br. Andrew Gonzalez Hall sa Marso 21.
Masusubok naman ang bilis at kakayahan ng mga estudyante sa pasiklaban sa Virtual Amazing Race sa Marso 14. Sasabak naman ang mga utak ng bawat estudyante sa Quiz Bee na dadaluhan ng juniors division sa Zoom mula ika-8:00 n.u. hanggang ika-12:00 n.t. at seniors division mula ika-2:00 n.h. hanggang ika-4:00 n.h. sa Marso 28.
Pinalalim naman ang kaalaman sa inilunsad na Plenary session at Symposium sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Marso 7. Susundan pa ito ng Simultaneous Classes tangan ang adhikaing mapalalim ang pakikipag-ugnayan sa pagbuo ng mas malawak na pananaw ng mga estudyante sa Marso 14.
Hinahamon ng JPIA-DLSU ang mga estudyante ng Business at Accountancy na magparehistro at lumahok. Sa mga interesadong sumali, makikita ang mga rekisito sa pagpapatala ng rehistrasyon at aplikasyon sa ibaba.
- EXCEED 2026 Convention: bit.ly/E26_ConventionApplicationKit
- Accounting Challenge: bit.ly/EXCEED2026AccountingChallenge_ApplicationKit
Pinagyayaman ng ganitong mga programa ang modelo ng kaalaman at diskarte ng kabataan. Sa pagpapayabong ng kanilang talento, tinuturuan nilang balangkasin ang kinabukasan nang matalino, may tapang, at malasakit—upang itaguyod ang bayan bilang pundasyon at kapital ng pagbabago.
#AccountingConvention2026
#EXCEED2026
#70thJPIA
#70YearsInEquilibrium
#InfiniteWith70th
