
PUMAILANGLANG ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra University of the East (UE) Lady Warriors, 25–15, 25–20, 25–19, sa kanilang unang bakbakan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 7.
Muling nagningning para sa hanay ng Berde at Puting koponan si rookie setter Eshana Nunag matapos maglista ng 21 excellent sets at apat na puntos mula sa dalawang block, isang attack, at isang ace.
Minandohan naman ni outside hitter KC Cepada ang hukbo ng Silangan matapos umukit ng 14 na puntos mula sa 11 attack, dalawang ace, at isang block.
Agad na pumabor ang ihip ng hangin sa Taft mainstays sa unang bahagi ng sagupaan sa pangunguna ni middle blocker Lilay Del Castillo sa kabila ng magkasunod na error ng koponan, 8–5, na nagpatuloy matapos mamuhunan sa mga atake sa gitna at tuluyang tuldukan ang unang set mula sa error ng taga-Recto, 25–15.
Naging mabuway naman ang panimula ng ikalawang bahagi para sa Lady Spikers matapos pumalya ang mga tirada sa malagkit na depensa ng Lady Warriors, 1–2.
Gayunman, sinaklolohan naman ito ni national standout Angel Canino sa bisa ng dalawang magkasunod na atake upang makabig ang bentahe, 4–3.
Sinubukan pang pumalag ng mga nakapula sa pamumuno ng tambalan ni UE Team Captain Van Bangayan at Cepada sa ikalawang yugto ng sagupaang tinapos ng power tip ni Del Castillo, 25–20.
Umindayog sa parehong istorya ang ikatlong set para sa mga taga-Taft matapos mabulabog ang kanilang nangangapang depensa sa pagsisimula ng ikatlong set, 1–3, na agad binawi nina Canino at veteran middle blocker Amie Provido, 8–7.
Hindi na lumingon pa ang mga naka-berde nang umibabaw si Kapitana Shevana Laput, 22–19, bago iparamdam ni opposite hitter Althea Cabradilla ang kaniyang presensiya sa net, 24–19, at tuluyang selyuhan ang panalo, 25–19.
Tangan ang 5–0 panalo–talo kartada, susubukang pabagsakin ng Berde at Puting hanay ang Adamson University Lady Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa Miyerkules, Marso 11.
