Lady Batters, bigong tumantos ng panalo kontra UP

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

KINAPOS ang puwersa ng De La Salle University Lady Batters sa tikas ng University of the Philippines (UP) Softball Team, 0–4, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 3.

Maagang sumiklab ang pag-asa ng kampo ng Taft nang sumugod si Cassandra Inot hanggang ikatlong base, subalit kinapos ang tirada para umabot sa home plate.

Umariba sina Jamm’n Rasco sa ikalawa, at Reuel Caoagdan sa ikatlong base ngunit tumindig ang matibay na depensa ng La Salle upang salagin ang naturang pag-abante.

Pinaigting ng mga Iskolar ng Bayan ang kanilang opensa sa ikaanim na inning nang tumira si Nickole Dela Cruz patungong third base, na agad sinundan ni Martine Francisco ng triple para sa 0–4 na kalamangan ng UP.

Pagdako sa huling inning, sinubukan pa ng Taft mainstays na sumikwat ng panalo nang makausad si Tiffany Labargan sa unang base ngunit kinapos na ang Berde at Puting koponan at tuluyang pinatahimik ang huling tangkang puntos, 0–4.

Bitbit ang 1–2 panalo-talo kartada, tatangkain ng koponan ng Taft na maiuwi ang ikalawang panalo kontra Adamson University Softball Team sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u. sa Martes, Marso 10.