Green Batters, nangatal sa tikas ng Golden Sox

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

PUMUSYAW ang dilaab ng De La Salle University (DLSU) Green Batters laban sa University of Santo Tomas (UST) Golden Sox, 6–10, sa University Athletics Association of the Philippines Season 88 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 1.

Maagang umariba ang kampo ng Golden Sox para makamit ang kalamangan sa una hanggang ikatlong inning, 0–5.

Nagliyab ang Green Batters sa ikaapat na inning matapos itarak ang dalawang run upang idikit ang talaan, 2–5. 

Sa pagnanasang ibulsa ang ikalawang sunod na panalo, sinubukan pang humabol ng Taft mainstays pagdako ng ikapito at ikawalong inning bitbit ang apat na run, ngunit kinapos ito kontra sa malinis na kampanya ng Golden Sox, 6–10.

Bitbit ang tabladong 1–all panalo-talo kartada, susubukang sumungkit ng Green Batters ng panalo kontra sa karibal na Ateneo Blue Eagles sa parehong lunan sa Miyerkules, Marso 4.