Lady Tennisters, nasawi sa bagsik ng UST Female Tennisters

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NALULA ang De La Salle University (DLSU) Lady Tennisters sa pamamayani ng University of Santo Tomas (UST) Female Tennisters, 2–3, sa pagsasara ng unang yugto ng University Athletics Association of the Philippines Season 88 Women’s Tennis Tournament sa Colegio San Agustin – Bulacan Tennis Court kahapon, Pebrero 28.

Agarang ibinulsa ng pambato ng España na si Kaye Emana ang kanilang unang panalo kontra Lady Tennister Precious Miranda sa unang singles match, 6–0, 6–0.

Pinatahimik naman ni Mikee Vicencio ang mga Tomasino nang pataubin nito si UST rookie Kaye Mustaza, 6–0, 6–3, sa ikalawang singles match.

Pinagpatuloy ni Angeline Alcala ang pag-arangkada ng Taft-based squad sa ikatlong singles match nang puksain nito sa gitgitang sagupaan si España mainstay Mica Emana, 6–2, 7–6.

Sa pagratsada ng unang doubles match, ginapos agad ng UST Tennister duo nina Judy Ann Padilla at Nicolas Dela Rita sina Taft mainstays Annika Diwa at Guysie Guardo, 6–1, 6–1.

Pagdako sa huling doubles match, kinapos ang puwersa ng Taft duo nina Lheslie Bernaldez at Amor Idjao sa pagsalakay nina Minette Bentillo at Justine Maneja ng UST, 5–7, 7–5, 6–10.

Bitbit ang tabladong 2–all na panalo-talo rekord,  kahaharapin ng Lady Tennisters ang NU Women’s Tennis Team sa kanilang unang laban sa ikalawang yugto ng torneo sa parehong lunan, Marso 1.