Pagbabago sa modality ng klase at akademikong kalendaryo ng DLSU, binatikos ng mga Lasalyano; pinal na desisyon, binalangkas ng Provost

Kuha ni Aaron Joshua Go

IMINUNGKAHI ng Office of the Provost ang iba’t ibang hakbang para sa pagbabago ng modality ng pagtuturo at akademikong kalendaryo ng De La Salle University (DLSU) sa town hall meeting sa The Verdure nitong Pebrero 9.  

Binigyang-diin ni Provost Robert Roleda na nagmula ang panukalang ito sa pagkabahala ng mga magulang at alumni sa pagpapatuloy ng mga online class sa DLSU, at mga paunang diskusyon ng Academics Council at iba pang sektor ng Pamantasan.

Pagpili ng bagong modality

Naglatag ang administrasyon ng tatlong pangunahing direksiyon para sa magiging plano ng DLSU hinggil sa ipatutupad na modality. Una, ang pagbabalik ng full in-person modality upang muling pairalin ang pisikal na sistema ng pag-aaral. Pangalawa, pananatilihin sa kasalukuyang tig-dalawang araw na onsite at online class na iskedyul ang mga klase sa ilalim ng hybrid model. 

Panghuli, isinasaalang-alang ng Provost ang pagtatalaga ng tatlong araw na onsite habang ibababa sa isang araw ang online class. Magkakaroon ng pagpapalitan ng iskedyul ng mga kolehiyo sa pagpapatupad ng mungkahing ito upang maiwasan ang pagsisiksikan sa kampus. 

Tiniyak ni Roleda na handa ang DLSU na maglaan ng sapat na mga learning spaces para sa mga Lasalyano sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga estudyante sa kampus dulot ng pagdadagdag ng araw para sa onsite class. Kumpiyansa siyang kayang tugunan ang pagdami ng populasyon sa Pamantasan dahil sa nakatakdang pagbubukas ng St. Mutien Marie Hall.

Kaakibat ng naturang hakbang ang pananatili ng enlistment upang matukoy ang kagustuhan ng mga estudyante sa pagsasagawa ng full in-person o hybrid modality para sa bawat kurso. Inaasahan din na magkakaroon ng magkahalong hybrid at in-person na seksiyon ang mga kursong General Education at Lasallian Core Curriculum. 

Pagrebisa sa trimestral calendar

Ipinahayag ni Roleda na nagiging balakid ang mga suspensiyon ng klase sa pagtupad ng itinalagang contact hours na 42 oras ng pagtuturo bawat termino. Ipinunto itong dahilan upang balangkasin ng administrasyon ang dalawang opsiyon sa pagbabago ng akademikong kalendaryo.

Tinitingnan ng Provost ang planong pag-aalis sa Independent Learning Week (ILW) upang gawing mas matatag at angkop ang akademikong kalendaryo. Minamataan din ang pagdaragdag ng 15 minuto sa bawat klase upang gawin itong isang oras at 45 minuto mula sa nakagawiang sa isang oras at 30 minuto. 

Aniya, magsisilbing makeup in installment ang nasabing pagbabago bilang hakbang laban sa madalas na pagkaantala ng mga klase na nagpapababa sa itinakdang contact hours ng Pamantasan. 

Ninanais ng administrasyong ipatupad ang bagong modality sa ikatlong termino habang magiging epektibo naman ang pagbabago sa haba ng oras ng klase sa susunod na akademikong taon 2026–2027. 

Pag-alma ng pamayanang Lasalyano

Agad na umani ng pambabatikos sa social media mula sa pamayanang Lasalyano ang mga naturang mungkahi. Mariing sinalungat ng mga estudyante ang planong pagtanggal sa ILW na itinuturing ng karamihan bilang mahalagang panahon ng pahinga upang makahabol sa mga pangangailangan ng kanilang mga kurso.

Tinuligsa rin ng pamayanang Lasalyano ang tinatayang haba ng class schedule mula ika-8:00 n.u. hanggang ika-9:45 n.g. sakaling ipatutupad ang isang oras at 45 minutong klase na magiging pasakit para sa mga estudyanteng komyuter.

Nilinaw ni University Student Government (USG) President Lara Capps sa town hall na humigit-kumulang 300 sa 400 estudyante ang nagnanais na panatilihin ang ILW batay sa opisyal na sarbey ng USG.

Tiniyak ni Capps na mariing susuriin ng USG ang lahat ng datos at mungkahi upang matiyak na mananaig ang interes ng mga estudyante at mapanatili ang DLSU bilang isang learner-centric na Pamantasan.

Huling hatol ng Pamantasan

Isinapinal ng Provost at Academics Council ang pagsasagawa ng pinaghalong hybrid at predominantly in-person modality sa susunod na akademikong taon 2026–2027. Subalit, ibabatay pa rin sa pangangailangan ng bawat kolehiyo ang proporsiyon ng pagsasagawa ng dalawang modality na ito batay sa inilabas na desisyon nitong Pebrero 14.

Tinanggal na rin ang pagsasagawa ng pre-enlistment bilang paunang pagpapaalam sa bilang ng ilalabas na slot sa bawat asignatura ng mga kolehiyo para sa panahon ng enlistment batay sa anunsiyo ng USG hinggil sa bagong website na Archers Hub.

Itinakda ng Pamantasan na hindi bababa sa 50% porsyento ng mga lecture course ng bawat kolehiyo ang dapat manatili sa hybrid modality. Gayunpaman, ipagpapatuloy pa rin ang pagkakaroon ng 14 na linggo ng akademikong kalendaryo na may ILW at ang pagpapanatili sa isang oras at 30 minutong haba ng bawat klase.

Obligado naman ang mga klaseng isinasagawa sa laboratoryo at Physical Education na sumailalim sa full in-person modality para sa mas epektibong pagkatuto.