Green Tennisters, niyanig ang Ateneo Men’s Tennis Team

Retrato mula UAAP 88 Media Team

GINIBA ng De La Salle University (DLSU) Green Tennisters ang pugad ng Ateneo Men’s Lawn Tennis Team, 4–1, sa pagtatapos ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Tennis Tournament sa Colegio San Agustin Tennis Stadium – Bulacan Tennis Court, Pebrero 25.

Inangkin ni JT Bernardo ang buwena manong tagumpay para sa hanay ng Berde at Puti sa singles match kontra kay Lukas Yupangco, 6–1, 6–1.

Gayunman, nag-iba ang ihip ng hangin para sa kapalaran ni Green Tennister Yassan Al-Anazi na nabigong sagutin ang mapaminsalang mga tirada ni JD Velez, 2–6, 3–6. 

Samantala, sumegunda naman ng panalo para sa DLSU si EJ Geluz kontra sa mga kumpas ni JC Pabillore upang ibaling ang bentahe, 2–1, pabor sa Taft mainstays, 6–1, 6–0.

Pagsalang sa doubles match, hindi na pinabuwelo nina Taft mainstays Fernando Po at Marcus Guinoo ang mga amba ng Ateneo duo nina Gabby Calilung at Gab Quintana, 6–0, 6–1.

Tuluyan nang bumulusok ang mga maniobra mula sa Lasalyanong tambalan nina Daniel Estanislao at Rupert Tortal na sawing ibalik ng mga Atenistang sina JB Cuarto at Vito Singson, 6–1, 6–0.

Haharapin ng mga pambato ng Taft ang ikalawang yugto ng torneo bitbit ang 2–4 panalo-talo kartada at ang determinasyong tumudla ng panibagong kuwento ng tagumpay pabor sa Pamantasan.