
NASINDAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Batters sa bagsik ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Softbelles, 1–2, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium, Pebrero 24.
Maagang nagpamalas ng mahigpit na depensa ang Taft mainstays kontra sa España-based squad upang maitabla ang iskor hanggang ikatlong inning, 0–0.
Humataw si DLSU pitcher Joegette Jordan upang pangunahan ang ikaapat na inning matapos ang fielding errors nina Tiger Sooftbelles Helga Campos at Ryza Zafra, 1–0.
Naunsiyami ang pag-arangkada ng Berde at Puting koponan nang magpamalas ng tikas ang UST duo nina veteran Erika Fernandez at rookie right fielder Rose Macatbag sa ikalimang inning, 1–1.
Tuluyang nalanta ang opensa ng Taft-based squad nang mabigo si second baseman Daniela Cabangon sa pagpigil sa nagpupumiglas na Tiger Softbelles ngunit rumatsada si Fernandez sa home plate upang ilista ang unang panalo ng UST,1–2.
Bitbit ang pagtatangkang magrehistro ng unang panalo, kahaharapin ng Lady Batters ang Ateneo Softball Team sa parehong lunan sa ika-11 n.u. sa Sabado, Pebrero 28.
