
PININTAHAN ng ngiti ang mukha ng mga batang may espesyal na pangangailangan sa For the Kids (FTK) 2026 Haraya: A Festival of Dreams na pinangunahan ng Center for Social Concern and Action – Lasallian Outreach Volunteer Effort sa De La Salle University (DLSU) nitong Pebrero 1.
Dinaluhan ng 20 Special Education (SpEd) Centers, 352 batang may espesyal na pangangailangan, at 593 Ate-Kuya Volunteers (AKV) ang masigabong pagdiriwang.
Sa likod ng Haraya
Ipinaliwanag ni Project Head Joyce Gwyneth Braza sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na ipinahihiwatig ng temang “Haraya: A Festival of Dreams” ang pagdiriwang ng pag-asa ng mga bata. Layon ng programa na makabuo ng ligtas na espasyo upang makabuo ng malalalim na koneksiyon at magagandang alaala ang mga bata sa tulong ng mga AKV.
Ipinunto rin ni Braza na mahalaga ang imahinasyon para sa mga bata upang matulungan silang harapin at hasain ang yugto ng kanilang buhay na puno ng pangarap.
Itinuring naman ni Project Head Feninna Cordero sa APP na isang misyon ang pagdaos ng FTK dahil sa pangunahing layunin nitong makapaghatid ng mga ngiti sa mga batang itinataguyod ng kanilang adbokasiya. Dagdag pa ni Cordero, “It is [our advocacy] to bring awareness about the seven conditions that our partner centers have, kasi we do want to advocate na mas alamin ng mga tao [at] mas ma-appreciate [sila] ng mga tao.”
Binigyang-diin naman ni DLSU President Br. Bernard Oca FSC na nagsisilbing paalala ang temang Haraya sa kahalagahan ng imahinasyon, kuwentuhan, at kasiyahan tungo sa mas ingklusibong mundo para sa kabataan. Tinukoy rin niyang nagsisilbing sandigan ng pagtupad ng mga pangarap ng mga bata ang pagbibigay ng oras, sigla, at malasakit ng mga boluntaryong Lasalyano.
Diwa ng bolunterismo
Ibinahagi ni AKV Elyzza Margarette Gonzales na nagbalik siya sa programa dahil sa natatanging karanasang idinulot nito sa kaniyang sarili. Ipinahiwatig niyang isang pagkakataon ang FTK para tulungang tuparin ang mga pangarap ng mga batang may espesyal na pangangailangan kahit sa loob lamang ng isang araw.
Naniniwala naman si AKV Nathan James Bevans na mahalaga ang kapangyarihan ng imahinasyon sa mga bata dahil nakatutulong itong malampasan ang mga limitasyong kanilang kinahaharap sa pang-araw-araw at nagbibigay-lakas upang maisakatuparan ang mga bagay na kanilang inaasam.
Ipinaliwanag naman ni AKV Ry Pagunuran, na unang beses makibahagi sa programa, na isang oportunidad ang FTK para maglaan ng oras at malasakit para sa mga bata.
Nakiisa rin ang mga atleta ng DLSU upang maghatid ng saya sa mga inihandang palaro. Bahagi na ng taunang gawain nina DLSU Lady Shuttlers Venice Katy Chua at Lady Zashca Tuario ang boluntaryong pakikilahok sa FTK dahil nakapagpapasaya ng kanilang puso ang ngiti ng mga bata.
Nanindigan din silang isinasagisag ng isports ang diwa ng programa upang maipakita ng mga bata ang kanilang natatanging kakayahan at maranasan ang saya sa kabila ng kanilang pinagdaraanan.
Binigyang-halaga naman ni Br. Jeano Endaya FSC ang bolunterismo bilang likas na katangian ng pamayanang Lasalyano. “Patuloy kong inaanyayahan [ang] lahat na maghanap ng pagkakataon upang ibahagi ang sarili sa iba,” panghihikayat niya.
Nagalak din si Br. Endaya sa daan-daang boluntaryong naglaan ng oras at lakas gayundin sa paghahandang nagsimula pa noong huling bahagi ng 2025 upang maging matagumpay ang programa.
Pag-asa ng komunidad
Higit naman sa isang pagdiriwang ang FTK para sa mga guro mula sa mga kalahok na SpEd Centers dahil isa itong pagkakataon para sa kanilang mga estudyante na maranasan ang pakikisalamuha at pagtanggap ng mas malawak na komunidad.
Ibinahagi ng gurong si Leah Turla mula sa Samahan ng may Iba’t-ibang Kapansanan na mahalaga ang pakikisalamuha para sa mga bata dahil daan ito upang makihalubilo at makasali sila sa mga aktibidad tulad ng isports at palaro sa kabila ng kanilang kapansanan.
Nangangahulugan din bilang kamalayan at pag-unawa ang FTK para kay Turla dahil isa itong pagkakataon para sa mga AKV na mas makilala ang mga batang may kapansanan at makita ang kanilang kakayahan. Hiling din niyang patuloy na suportahan ang mga bata lalo na sa paggabay at pagtulong sa kanilang mga pangangailangan tulad ng therapy.
Patunay ang FTK na may kakayahan ang malasakit ng komunidad na gawing makulay, makabuluhan, at ingklusibo ang mundo para sa lahat ng bata.
