
NANGATOG ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tennisters sa bangis ng University of Santo Tomas (UST) Male Tennisters, 0–5, at tapang ng University of the Philippines (UP) Women’s Lawn Tennis Varsity Team, 0–5, sa pagbubukas ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Collegiate Tennis Tournament sa Colegio San Agustin – Bulacan Tennis Court kahapon, Pebrero 14.
Nasawing pag-asinta
Bigong ihawla ni DLSU stalwart Yassan Al-Anazi ang umaangil na pambato ng España na si Sebastian Santos sa pag-arangkada ng unang singles match, 0–6, 1–6.
Bigo ring tumalab ang mga palasong pinakawalan ni Green Tennister EJ Geluz kontra sa rumaragasang tigreng si Ericjay Tangub, 0–6, 0–6.
Nagpatuloy ang masamang ihip ng hangin para sa luntiang hanay matapos magulantang si JT Bernardo sa paghagupit ni UST player Christopher Sonsona sa ikatlong singles match, 2–6, 2–6.
Sinubukang sulutin ng Taft-based duo nina Daniel Estanislao at Kevin Garrido ang unang double’s match ngunit nagpamalas ng bangis ang España-based duo nina Evan Bacalso at Al Zayeed Baid upang palawigin ang bentahe, 1–6, 1–6.
Tuluyang lumamlam ang ningas ng mga pambato ng Taft sa ikalawang double’s match matapos pumurol ang mga tirada nina Marcus Guinoo at Fernando Po laban sa agresibong duo mula sa España na sina Richard Bautista at Nash Agustines, 3–6, 4–6.
Pagbagsak ng mga palaso
Naunsiyami ang pagsipat ni Kapitana Maikee Vicencio kontra sa matinik na kinatawan ng Diliman na si Paula Uy sa pagbulusok ng unang tunggalian, 1–6, 3–6.
Nag-alab ang diwa ng mga Lasalyano sa paglipana ng mga palaso ni Angeline Alcala sa dikdikang laban subalit nanaig ang puwersa ni UP stalwart Maria Divinagracia, 4–6, 7–5, 5–7.
Sinapit ng parehong kapalaran si Taft mainstay Annika Diwa matapos tamuhin ang mga tirada ni Jufe Cocoy mula Diliman, 4–6, 2–6.
