Lady Spikers, sinalasa ang Lady Tamaraws

Kuha ni Jean Carla Villano

BINULABOG ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang hanay ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25–19, 25–14, 27–25, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 14. 

Hinirang na Player of the Game si DLSU Team Captain Shevana Laput matapos kumamada ng 23 puntos mula sa 20 atake, dalawang block, at isang ace.

Nanguna naman para sa Morayta-based squad ang kanilang kapitanang si Gerz Petallo na umukit ng 11 marka mula sa 10 atake at isang block.

Dikitang sinalubong ng magkabilang koponan ang kanilang unang laro, ngunit nagpumiglas si opposite hitter Laput nang tipakin ang tirada ni FEU open hitter Lovely Lopez upang ibigay ang bentahe sa DLSU, 15–12, na mas pinalobo pa ni senior outside hitter Angel Canino gamit ang service ace, 23–13, bago magwakas ang unang set buhat ng service error mula kay Lady Tamaraw Melody Pons, 25–19.

Pinadagundong ni Canino ang kort sa panimula ng ikalawang set matapos hadlangan ang palo ni FEU opposite hitter Faida Bakanke, 4–1, na siyang ginatungan pa ni middle blocker Amie Provido sa bisa ng block point kontra kapwa middle blocker Jaz Ellarina, 22–11, at sinamantala ni Canino upang tudlain ang zone six at tuldukan ang set, 25–14. 

Patuloy na ibinalandra ni Provido ang kaniyang pagdomina sa gitna matapos pigilan ang tirada ni FEU middle blocker Mitzi Panangin, 8–6, ngunit ibinaling ni Lopez ang momentum sa panig ng mga taga-Morayta matapos puntiryahin ang zone one, 21–22, subalit nanaig ang kapit ni Canino matapos magpakawala ng crosscourt hit, 24–all, bago tuluyang tuldukan ni Kapitana Laput ang sagupaan, 27–25. 

Sambit ni Laput sa Ang Pahayagang Plaridel tungkol sa ipinakita niyang attack variation sa larong ito at sa mga aabangan ng mga tagahanga ng Berde at Puting pangkat, “Expect the unexpected, the variations are done to keep our opponents on their toes.”

Tangan ang 1–0 panalo-talo kartada, susubukang ipagpatuloy ng Lady Spikers ang pagtahak sa landas ng tagumpay kontra University of Santo Tomas Golden Tigresses sa parehong lugar sa ika-3:00 n.h. sa Pebrero 22.