
MANUNUNGKULAN bilang bagong chief legislator ng Legislative Assembly (LA) si EXCEL2026 Aleia Silvestre sa ikalimang espesyal na sesyon ng LA nitong Enero 28.
Pangungunahan naman nina FOCUS2024 Neil Maniquis ang majority floor habang si BLAZE2027 Naomi Conti naman ang mamamahala sa minority floor.
Patungo sa bagong liderato
Pinasinayaan ni University Student Government (USG) President Lara Capps ang sesyon upang iluklok ang magiging pinuno ng LA. Tinukoy bilang mga nominado sina Majority Floor Leader Conti at Minority Floor Leader Silvestre na parehong namuno kasabay ang nagbitiw na si dating Chief Legislator Ken Cayanan.
Binuksan ni Conti ang kampanya sa pagbabalangkas ng kaniyang naging mga karanasan sa LA at USG. Nagsilbi siya bilang chairperson ng 15th USG Students Rights and Welfare Committee, 15th College Legislative Board (CLB) Secretary, at 16th CLB Chairperson.
Ibinida naman ni Conti ang kaniyang mga panukala sa ika-15 LA bilang pangunahing author o co-author ng Women’s Month Statement 2025, Omnibus Election Code Revision, Latin Honors Leniency Campaign, Campus Hygiene Accessibility Report, Persons with Disabilities (PWD) Lanyard Abolishment, at PWD Act Revision.
Binigyang-diin niya rin ang mga panukalang USG Administrative Code of 2025, USG College Government Code of 2025, USG Cabinet Act of 2025, USG 2025–2026 Budget Allocation Approval, Revised Ombudsman Act of 2025, at Martial Law Anniversary Statement 2025 bilang mga panukalang kaniya ring pinangunahan nitong ika-16 na LA.
Mariin namang inusisa ni FOCUS2025 Ethan Alvarez at EXCEL2027 Katherine Lui ang Campus Hygiene Accessibility Report at PWD Lanyard Abolishment na inilahad ni Conti sapagkat wala sa talaan ang kaniyang pangalan sa nagsulong ng mga naturang panukala. Inako naman ni Conti ang pagkakamaling ito ngunit nilinaw niyang kabilang siya sa mga taong kinonsulta ng mga sumulat ng mga nasabing panukala.
Paiigtingin din niya ang transparency at pagtatalaga sa mga panukala, pag-uugnay sa mga batch legislator (BL) sa mga kinauukulang opisina, pagpapalawig ng presensiya ng LA sa mga estudyante, at pagpapatibay sa pananagutan ng LA sa mga hindi naipasang panukala.
Hangad din niyang isulong ang Animo Commuter Stipend, Karapatang Lasalyano, Deadline Extension Guidelines, Accountability and Transparency of Public Officers Act, at Omnibus Election Code of 2026 bilang kaniyang mga priyoridad na panukala.
Ninanais din niyang repasuhin ang Code of Violations, Rules of the Legislative Assembly, at Branch Codes upang iangkop sa bagong Konstitusyon ng USG.
Tinuldukan ni Conti ang kaniyang kampanya sa pagtutok sa tungkulin ng LA sa mga pangangailangan ng mga estudyanteng kanilang pinagsisilbihan. “As student leaders, we are given a rare opportunity, it’s not power, it’s not status, but it’s the trust of the students. And with that trust comes one responsibility above all else, to always put [the] students first and to respond to their needs with sincerity, urgency, and care,” pagwawakas niya.
Sunod namang sumalang si Silvestre bitbit ang kaniyang islogan na “Para sa layuning Maglingkod, Makibahagi, at Magsulong.”
Tinukoy ni Silvestre ang mga karanasan bilang National Affairs Secretary, Carlos L. Tiu School of Economics CLB Chairperson, at Law Commission Policy Consultant na nag-udyok sa pagbalangkas ng Administrative Code at Cabinet Act bago ito maipasa sa LA.
Pinanghawakang-inspirasyon ni Silvestre ang kaniyang pagtakbo noong General Elections 2025 bilang independiyenteng kandidato upang maging daan sa pagkamit ng posisyong chief legislator. Diin niya, “I’m an independent candidate, and as an independent candidate, I have no strings, I have no push or pull at all, and all I want is what’s best for the Legislative Assembly and what’s best for the student body.”
Balak ni Silvestre na palawigin ang partisipasyon ng mga estudyante sa mga sesyon ng LA sa tulong ng pag-broadcast ng mga ito sa social media kaagapay ng mga student media organization. Kabilang sa hangaring ito ang pangangalap at pagbabahagi ng mga impormasyon tungkol sa LA para sa akses ng mga estudyante.
Nilalayon din niyang paigtingin ang komunikasyon ng LA sa bawat stakeholder sa pangunguna ng Office of the Chief Legislator upang mapabilis at maging mabusisi ang proseso sa paggawa ng mga panukala. Ninanais din niyang magsagawa ng mga pagsasanay at magbigay ng akses sa mga impormasyon para sa lahat ng mga BL partikular na sa mga bagong salta pa lamang sa LA.
Panawagan ni Silvestre na dapat talikuran ng mga lehislador ang anomang impluwensiyang maaaring makaapekto sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa paggawa ng mga panukala. “We are the last line of defense when it comes to bills, when it comes to appointments, and it is up to us to uphold that standard of the USG,” panawagan niya.
Tinuligsa naman ni Laguna Campus Student Government BL Nauj Agbayani ang pagtrato sa kampus ng Laguna bilang institusyong malayo sa anyo ng kampus ng Maynila sa kabila ng pagkilala ng dalawang kandidato sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kampus.
“Both of you have been mentioning [the] inclusivity of Laguna Campus as a buzz word and [you] also mentioned that Laguna [Campus] students are in a different biome or a different world. It gives a different message,” pasaring ni Agbayani.
Nagtapos ang pag-uusisa ng kapulungan sa dalawang lehislador sa pagkilatis sa ginawa nilang aksiyon sa pagbitiw ni Cayanan bilang chief legislator at sa kanilang kakayahan sa pamumuno sa LA.
Inamin ni Silvestre na nagkulang sila sa pagpapanagot kay Cayanan dahil sa awa at sa paniniwalang maayos ang pamamalakad ni Cayanan. Gayunman, ipinangako niyang mas magiging obhetibo siya sa mga isasagawang desisyon.
Tugon at panghuling salita naman ni Conti, “I’ve learned that sometimes maybe giving someone a second chance or a third chance or more chance [is] not the way things should go. I am standing here confidently saying that I am prepared for this position. I have learned from my mistakes, and I will do my best if I’m elected, if not, I will still be here for you no matter what.”
Nanaig si Silvestre bilang bagong chief legislator ng LA bitbit ang siyam na boto, tatlo para kay Conti, at apat na abstain.
Mga pinuno ng dalawang kapulungan
Binubuo ang majority floor ng mga BL na bumoto kay Chief Legislator Silvestre habang kinabibilangan naman ng mga bumoto kay Conti at nag-absuwelto ang minority floor.
Hangarin ni Maniquis na magkaroon ng pagkakaisa sa kapulungan habang pinananatili ang pangunahing panukalang nais isulong ng bawat BL.
“The majority floor after today will be a floor that pushes [for] reforms, pushes [for] bills that are close to the student body kasi nandito tayo dahil either in-elect tayo ng student body. . . That’s what we’re going to strive for, and I hope that everyone is looking forward to that,” pahiwatig niya.
Hinirang si Maniquis bilang bagong majority floor leader sa botong 8-0-0.
Ibinahagi namang muli ni Conti na handa niyang suungin ang posisyong minority floor leader. “I just want to reiterate what I said earlier. No matter what happens, I’m still here for the LA, I’ll be here for all of you,” pangako niya.
Iniluklok si Conti bilang bagong minority floor leader sa botong 7-0-0.
