Hiyaw ng mga Lasalyano, umalingawngaw sa isinagawang Unity Walk laban sa inaasahang pagtaas ng matrikula ng DLSU

Kuha ni Alister Oliva

“Edukasyon! Edukasyon! Karapatan ng mamamayan!”

UMUGONG ang mga hiyaw ng pagtutol ng pamayanang Lasalyano laban sa inaasahang pagtaas ng matrikula ng De La Salle University (DLSU) sa isinagawang unity walk sa pangunguna ng University Student Government (USG) at Lasallians Against Corruption (LAC) katuwang ang iba pang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan mula Central Plaza hanggang Amphitheater nitong Pebrero 3.

Iginiit sa pagkilos ang mungkahing 0% tuition fee increase (TFI) kasabay ng panawagan para sa pananagutan at transparency ng Pamantasan hinggil sa usaping pinansiyal na direktang nakaaapekto sa mga estudyante.

Nagkakaisang paninindigan

Binigyang-diin ni Computer Studies Government President Vaughn Sy na kabilang sa karapatan ng mga estudyante ang pagkakaroon ng makabuluhan, dekalidad, at abot-kayang edukasyon. “Yet tuition fee increases continue without clear justification and without transparency.  We deserve a full, honest breakdown of every single cent. . .  Education is meant to empower us, not bankrupt us,” daing niya.

Iwinaksi naman ni EDGE2024 President Bea Abarquez ang pagtingin sa edukasyon bilang pribilehiyo sa halip na isang karapatan. Ipinunto niyang banta sa karapatan sa edukasyon ang maliit na pagtaas ng matrikula at hindi dapat mapiit ang mga estudyante sa mahal na edukasyon.

Tinuligsa rin ni Theophilus Carpina ng Kabataan Partylist ang patuloy na pangangatwiran ng administrasyon na para sa ikabubuti ng Pamantasan ang pagtaas ng matrikula subalit patuloy pa ring nararanasan ng mga estudyante ang kakulangan sa serbisyo at pasilidad.

“Huwag nating hayaang gawing negosyo ang edukasyon. . . Let us remind the [students and] the administration of [DLSU] to practice what they preach and to remember the values that [St. La Salle] represents,” panawagan ni Carpina. 

Ipinaliwanag ni KATRIBU Vito Cruz Representative Lira Cruz na isa ring paglalantad ang unity walk sa sistemang nagpapahintulot na maging negosyo ang edukasyon sa halip na karapatan ng bawat mamamayan. Isinaad niyang ipinapakita lamang ng pagtaas ng matrikula na para lamang sa may mga kakayahang pinansiyal ang edukasyon.


“Kung sino ang walang pera ay itinuturing na hindi priority. . . ito ay [isang] desisyon kung sino ang papayagang makapasok at kung sino ang itutulak palabas. . . Kaya ang laban kontra sa tuition fee [increase] ay laban kontra sa sistemang patuloy na nagtataboy sa [mga] nasa laylayan,” pagkondena niya. 

Kapansin-pansin naman ang presensiya ng pulisya sa labas ng Pamantasan kasabay ng mariing paninindigan ng mga Lasalyano sa loob ng kampus. Ikinabahala ito ng Lasalyanong si John Maxwell Ayalde matapos mamataan ang isang malaking mobile police truck at mga pulis na naka-unipormeng pangmilitar sa tapat ng Gate 2 ng kampus. 

Ikinapangamba ni Ayalde ang naturang presensiya dahil itinuturing lamang nito na mapanganib ang mga kilos-protesta at banta sa seguridad sa halip na lehitimong pagpapahayag at pagtindig ng mga estudyante. 

Saloobin ng mga Lasalyano 

Iginiit ni LAC Convener Ralph Vincent Paunlagui sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel na malaki ang magiging epekto ng planong pagtaas ng matrikula sa mga estudyante batay sa sarbey ng USG. “60% ng mga Lasalyano ang [nagbabalak] mag-reconsider ng kanilang enrollment status dito sa ating [Pamantasan],” paglalahad ni Paunlagui. 

Kinuwestiyon naman ni Leha Hassan mula sa KATRIBU Vito Cruz ang kakulangan ng transparency sa paggamit ng administrasyon sa matrikula. Nananatiling palaisipan para sa kaniya ang pinatutunguhan ng dagdag-bayarin lalo na at hindi ito nararamdaman sa mga pasilidad at serbisyo ng Pamantasan. 

Tinukoy rin ni Anakbayan Vito Cruz Chairperson Liway Molines ang pagkawala ng breakdown ng miscellaneous fees at ang biglang pagtaas ng surcharge fee bilang pabigat sa mga estudyanteng nagsisikap upang magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.

Hiniling naman ng estudyanteng si Dio Alvarez sa administrasyon na maging mas mabusisi at maunawain sa kalagayan ng iba’t ibang sektor ng mga estudyante lalo na sa mga working student at scholar. Panawagan niyang gawing priyoridad ng Pamantasan ang kapakanan ng mga estudyante bilang pangunahing stakeholder kaysa sa iba pang proyektong hindi agarang nakatutulong sa kanila.

Ipinaliwanag naman ni DLSU USG President Lara Capps na hindi na makatwiran ang planong TFI sa kabila ng pagbaba ng inflation rate sa bansa.

Iminungkahi rin ng USG ang planong reallocation sa halip na pagtataas ng matrikula upang matugunan pa rin ang mga pangangailangan ng mga sektor sa Pamantasan. “[Nag-propose kami] na magkaroon ng reallocation of funds, which is ‘yung capital expenditures na hindi masyadong nagagalaw ng administration,” paliwanag ni Capps. 

Tagumpay ng panawagan

Inilahad ng iba’t ibang sektor ng Pamantasan sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition and Fees (MSCCTF) ang kanilang mga mungkahi hinggil sa pagtataas ng matrikula. Kabilang dito ang mungkahing 6% ng Association of Faculty and Educators of DLSU at 6.6% ng Employee Association habang iminungkahi naman ng DLSU USG at Parents of University Students Organization ang 0% TFI.

Nagbunga ang sama-samang pagkilos at pagtindig ng pamayanang Lasalyano sa isinapinal na desisyon ng MSCCTF na panatilihin at hindi taasan ang kasalukuyang matrikula sa Pamantasan para sa akademikong taon 2026–2027 nitong Pebrero 4. Pinagtibay ng desisyong ito ang lakas ng kolektibong tinig ng mga Lasalyano sa pagtatanggol ng abot-kaya at makataong edukasyon.