Green Booters, nilamukos ang UE Men’s Football Team

Kuha ni Chloe Tiamzon

SINALAKAY ng De La Salle University (DLSU) Green Booters ang hukbo ng University of the East (UE) Men’s Football Team, 3–0, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletics Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium nitong Enero 25.

Maagang nahanap ng Taft mainstays ang kanilang ritmo nang ilista ni sophomore Lukie Aguilar ang unang puntos ng DLSU sa ika-32 minuto ng salpukan mula sa penalty, 1–0. 

Bumuwelo si UE stalwart John Sumanoy sa ika-49 na minuto ng bakbakan, ngunit nasabat ito ng matulin na depensa ni DLSU goalkeeper Jason Salavante.

Itinarak naman ni Taft-based booter John Gaverza sa ika-81 minuto ang ikalawang puntos ng DLSU bago sikwatin ni green booter Sebastian Fronda ang ikatlong goal para sa Berde at Puting koponan, 3–0.

Bitbit ang 13 puntos mula sa 3-4-4 panalo-talo-tablado kartada, lulusubin ng Green Booters ang kampo ng UP Men’s Football Varsity Team sa parehong lunan sa ika-6:30 n.g. sa Huwebes, Enero 29.