
Karamihan sa mga sikat na personalidad ngayon ang nagsisilbing mga tanawin sa loob ng isang obra. Talamak noon pa man ang pananahimik ng tulad nilang kabilang sa elite. Ngunit, may iilang nagagawan ng paraang magpatawid-tawid sa mistulang obrang buhay at sa pang-karaniwang reyalidad—ang buhay ng mga hanggang tanaw lamang. May mga indibidwal na isusumpa ng taumbayan sa kanilang pagmartsa tungong katapatan, at mayroong mga ipapako sa krus dahil sa kakulangan ng paninindigan sa bayan.
Para kay Emman Atienza, pinili niyang magmartsa, tumindig, at tanggapin ang mga sumpang ipapasiya sa kaniya ng mga tao. Namutawi sa kaniyang obra ang kumpas ng pakikipagtunggalian at bahid ng adbokasiya na hinugot sa karanasang Pilipino. Binasag nito ang ipinintang imahen ng mga tao na isa lamang siyang palamuti sa pangalan ng kaniyang mga magulang.
Busilak na pinto
Sa kabila ng pribilehiyong buhay ni Emman, pinili niyang makiayon at mangialam sa mga indibidwal na dinedehado ng gobyerno. Tinahak niyang maglaan ng espasyo sa kaniyang buhay at plataporma upang makisangga sa kapuwa Pilipino. Sa isang panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, inalala ni Elle Buntag, isang 24 na taong gulang mula sa League of Filipino Students (LFS), ang katauhan at paninindigan ni Emman.
Ipinahayag niyang busilak ang pagsali ng dalaga sa kanilang grupo dahil sa pagnanais nitong gamitin ang kaniyang pangalan bilang tulay upang makapukaw ng mas marami. Idiniin ni Buntag na malayo ang pagseserbisyo ni Emman sa mga gawaing inuudyukan ng pansariling interes at walang hinahangad na kapalit.
“I believe 17 siya nung nag-sign up sa amin, 2023. Prior pa siya maging sikat, nag-sign up siya sa amin at isang malaking sign iyon na deep in her heart political siya at nag-stand in solidarity sa mga oppressed,” pagsasaad ni Buntag ukol sa kanilang ugnayan kay Emman. Taliwas mula sa mga karaniwang imahe ng mga influencer—na umiiwas makagawa ng politikal na ingay sa takot na masunog ang kanilang perpektong obra.
Hindi ikinubli ni Emman ang pagbabahagi sa kalagayan ng kaniyang mental health at mga pampolitikal na opinyon, kahit na maaari nitong mabasag ang nanunuot na katahimikan sa kaniyang buhay. Patuloy na ikinuwento ni Buntag ang dedikasyong nakita niya sa kaugalian ni Emman—mula sa pagiging bukas nito sa kaniyang mga kamalian, hanggang sa pagkakaroon ng inisyatibang kumilos kasangga ang LFS.
Mabibilang lamang sa kamay ang may kakayahang gumawa ng boses at malugod na mapakinggan. Sa mata ng madla, nangingibabaw ang mga inihahain ng mga may tanyag na katayuan dahil sa apelyido, pisikal na aspekto, at pinansiyal na estado ng mga ito. Napagtanto ni Emman na mabagsik ang kaniyang boses, at hindi siya pumayag na basta-basta lamang itong maitago at malanta.
Repleksyon ng huwaran
Sa bawat landas na tinahak ni Emman, taos-puso niyang ipinamalas ang mga adbokasiyang nagsisilbi para sa lipunan. Nagsimula ang kaniyang pagiging mapagmalayang mulat sa pakikilahok sa mga kilos ng LFS. Sa pagbukas naman ng pinto sa kaniya ng organisasyon, nakibahagi siya nang buong tapang sa mga diskusyon at protesta bilang aktibista.
Sa kabila ng pagiging influencer at anak ni “Kuya Kim” Atienza, hindi kumupas ang kaniyang mga paninindigan upang isulong ang pagbabago at pakikiisa sa bayan. Ipinakita niya ang kaniyang malasakit at malalim na pang-unawa sa mga nangingibabaw na suliraning pampolitikang nakaaapekto sa kalagayan ng taumbayan at katayuan ng bansa.
Tumatak sa karanasan ni Buntag ang pakikiisa ni Emman, mula sa mga pagsulong niya sa kilos-protesta para sa Palestine, hanggang sa pagsuporta sa mga drayber ng jeepney laban sa Jeepney phaseout. Isang malaking sagisag ang katapangan ni Emman sa pakikilahok sa mga kritikal na talakayan at kilusan sa lipunang nakatutulong sa kapuwa Pilipino.
Pumatok ang pangalan ni Emman sa mundo ng social media dahil sa kaniyang mga mapagmalayang pahayag at mga panlibangang aktibidad na nakapukaw sa atensiyon ng mga Gen Z. Subalit, napailalim siya sa kritisismo ng mga taong puno ng panghuhusga at galit, na naging salik sa mga hamon ng kaniyang kalusugang pangkaisipan. Ngunit, sa kabila ng nakukuhang pambabatikos, lumitaw pa rin ang kaniyang paglaban at pagtindig bilang aktibismo. Nasaksihan ni Buntag ang patuloy na pagtanggap ni Emman ng masasamang salaysay sa social media. “Kahit i-judge pa tayo ng marami, kahit makatanggap tayo ng masasakit na salita, atakihin man tayo ng trolls, hindi inalintana ni Emman ‘yun,” paglalahad niya.
Hinarap ni Emman ang pagbuhos sa kaniya ng matitinding galit na umabot sa pagiging “cancelled” sa social media. Sa likod ng pagsubok na ito, nanatili ang kaniyang katatagan sa pagharap sa mga tao at sa kaniyang trabaho. Hindi niya alintana ang mga panghuhusga habang ipinapakita niya ang kaniyang tunay na pagkatao at mabubuting intensiyon para sa kaniyang sarili at sa kapuwa. Nagpapahiwatig ito ng inspirasyon upang maharap ng mga katulad ni Emman ang mga personal na suliraning nakaaapekto sa kapakanan ng pag-iisip.
Mapagmalayang diwa
Bilang artista, aktibista, at influencer, walang humpay ang pagiging malaya at matapang ni Emman sa pagpapahayag ng saloobin. Nanatiling tunay ang kaniyang pagkatao, habang ipinapamalas ang pagiging mapagkumbaba at mapagmahal at sa bayan. Nag-iwan ng marka ang kaniyang pagkilos—isang hakbang upang mamulat ang mga Pilipino at kapuwa kabataan.
Sa likod ng kaniyang mga tawa at ngiti, sumilay ang tunay niyang dalamhating hinubog ng iba’t ibang karanasan sa buhay. Pinili niyang magamit ang kaniyang plataporma bilang artista at aktibista upang makisalamuha at tumindig para sa esensiya ng katarungan. Ipinapakita nito ang kaniyang namumukod-tanging kalooban bilang taong walang takot na tumaliwas sa inaasahang itsura sa harap ng media. Sa pagpawi ng kadilimang minsang bumalot sa kaniyang mga pinagdaanan, buong tapang niyang hinarap ang mundo—bitbit ang kakayahang makinig, makiisa, at umunawa.
Isang patunay si Emman na ang pakikibahagi sa pagpapairal ng kaunlaran sa bayan ang daan upang makamit ang pagbabago at hustisya ng nakararami.
