
“Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!”
IKINASA ng mga Lasalyano sa pangunguna ng Lasallians Against Corruption (LAC) ang lightning rally sa unang araw ng ikalawang termino ng kasalukuyang akademikong taon sa Corazon Aquino Democratic Space, Enero 5.
Layon ng naturang kilos-protesta na kondenahin ang mga anomalya sa Pambansang badyet ng gobyerno, militarisasyon, at inaasahang pagtaas ng matrikula ng De La Salle University (DLSU). Gayunpaman, pinahinto ng Student Discipline Formation Office (SDFO) ang naturang rally sa kalagitnaan ng talumpati ni LAC Convener Vince Paunlagui dahil sa kakulangan ng permit.
Pagtindig ng Lasalyano
Ipinaliwanag ni Paunlagui ang pagsasagawa ng naturang protesta sa unang araw ng klase bilang paalala sa mga Lasalyanong hindi humihinto ang mga isyung kinahaharap ng bansa at ng sektor ng edukasyon. “The movement needs to continue every single day, because the evils of the world continue every single day,” pangangatwiran niya.
Tinuligsa ni Paunlagui sa kaniyang talumpati ang bagong pirmadong Pambansang badyet ng gobyerno ngayong 2026. Iginiit niyang naglalaman ang badyet ng mga diskresyonaryo at hindi nakatalagang pondo na nagbubukas ng puwang sa katiwalian at kakulangan ng kalinawan sa pamamahala. Nanindigan siyang nararapat na ilaan ang pondo sa sistematikong pagpapaunlad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Kinondena rin ng LAC ang militarisasyon sa kanayunan, partikular ang epekto sa mga sibilyan ng pambobomba ng Armed Forces of the Philippines sa Occidental Mindoro. Binigyang-diin ni Paunlagui na may karapatan ang mga apektadong komunidad sa agarang humanitarian aid alinsunod sa internasyonal na batas at hindi ito nararapat pigilan.
Gayundin, tinutulan ng grupo ang inaasahang muling pagtaas ng matrikula ng DLSU at ang pagtingin sa mga estudyante bilang konsyumer sa halip na katuwang sa edukasyon. Wika ni Paunlagui, “Lalabanan natin ito, because we also believe, from the LAC, that neoliberal policies should not exist.”
Paninindigan ng LAC
Ipinatigil ng SDFO ang naturang kilos-protesta at hinanapan ng kinauukulang permit sa pagsasagawa ng mobilisasyon sa loob ng Pamantasan ang grupo. Pinayuhan din ng SDFO na ilipat na lamang ang programa sa labas ng DLSU dahil hindi aprubado ang mga kagamitan at hindi rin akreditado bilang estudyanteng organisasyon ang LAC ng DLSU.
Ipinaliwanag din ng SDFO na isang offense ang hindi pagsuot ng student ID ng mga estudyanteng senior high school na dumalo sa rally at maaaring mapatawan ng mabigat na parusang pandisiplina dahil sa kanilang pagsali sa mobilisasyon.
Iginiit naman ng LAC na nakasaad sa Students’ Charter ng Student Handbook ang karapatan ng mga organisasyong pangmag-aaral na magpahayag ng saloobin sa mga isyung pampolitika.
Tinukoy ni Paunlagui ang Students’ Charter Section 44: Right to Freedom of Expression and Opinion, Article 1.1, Section 27, Subsection 1.7 na nagsasaad na maaaring magbigay ng pampolitikang paninindigan at makilahok sa mga gawaing pampolitika ang mga organisasyon at estudyante hangga’t hindi sila nagsasalita sa ngalan ng Pamantasan at hindi gumagamit ng mga rekurso nito.
Nanindigan si Paunlagui na saklaw ng naturang probisyon ang rally dahil hindi nito ginamit ang pangalan ng Pamantasan. Dagdag pa niya, nililimitahan ng pagpapahinto ng SDFO ang kalayaang makapagpahayag ng mga estudyante dahil sa paghahanap ng permit na walang malinaw na batayan sa Student Handbook ng Pamantasan.
Kaugnay nito, iaakyat ng LAC ang insidente sa University Student Government upang linawin ang mga patakaran sa mga gawaing pang-adbokasiya. Tiniyak din niya na ipagpapatuloy ng grupo ang pagbabahagi ng impormasyon at pagmomobilisa. “As a convener of LAC, I will declare. . . na hindi kami titigil and hindi kami matatakot. Pinaglalaban pa rin namin ang genuine student representation.” tindig ni Paunlagui.
Nananatili ang paninindigan ng LAC laban sa katiwalian, militarisasyon, at mga patakarang nagpapahirap sa mga estudyante, kasabay ng panawagang linawin ang mga alituntunin sa malayang pagpapahayag sa loob ng Pamantasan.
