
“Mahirap maging babae sa Pilipinas.”
Sa matinding pagkabulag mula sa mahika ng patriyarka, hindi nakikita ng karamihan ang mga danas na pasan ng kababaihan sa bansa. Umulan man o umaraw, inaasahan silang mag-alaga ng mga anak at asawa, maghain sa hapagkainan, at panatilihing tila tropeo ang anyo. Ngunit bahagi lamang ito ng mas malaking suliranin at magkaibang huwaran na itinakda para sa mga babae at lalaki.
Kaakibat ang obra ni Antoinette Jadaone, idinaos ang Illuminate: A Sunshine Film Viewing sa Br. Andrew Gonzales Hall nitong Nobyembre 13. Bilang speaker, inilaan ni Maris Racal ang kaniyang oras upang higit pang bigyang-diin ang mga mensaheng nailagda sa pelikula at paigtingin ang mga boses na dapat mamayani sa lipunan.
Nararapat na magkaroon ng boses na titindig at maglalantad ng makatotohanang danas ng kababaihan. Patuloy na lamang ba nilang isusugal ang kanilang mga buhay upang makamit ang kalayaang magdesisyon para sa sariling katawan?
Kabanalan ng pagpasya
Tumatagaktak na pawis at matang puno ng pangarap ng bida ang pambungad na eksena ng Sunshine sa direksiyon ni Jadaone. Binigyang-buhay ni Maris ang 16 na taong gulang na atletang si Sunshine na nawawala sa kaniyang sariling mundo ng pagsayaw.
Lumabas agad ang kaniyang kakaibang talento sa larangang gymnastics, at lalo itong namutawi nang tumigil ang lahat upang panoorin siya sa sandaling sumalang sa entablado. Pinagsamang talento at pangarap ang tapang na nagtulak sa kaniyang makasali sa Olympics. Maaga mang ipinakita ng pelikula ang mga bituing nais maabot ni Sunshine, may madidilim na ulap na humarang sa kaniyang adhikain. Isa na rito ang kaniyang biglaang pagdadalang-tao dahil sa nobyo niyang si Miggy na ginampanan ni Elijah Canlas.
Habang hinahabol ni Sunshine ang kaniyang tanging pangarap, tinutuligsa naman siya ng mga taong gusto siyang itali sa pagiging isang ina, kabilang na rito ang mga naniniwalang “labag sa batas ng Diyos” ang akto ng pagpapalaglag. Ngunit imbes na panindigan siya ng kaniyang nobyo, pinairal nito ang kakulangan sa pananagutan. Nakita ito sa kaniyang pagtulak kay Sunshine palayo at labis na paghuhugas-kamay sa kanilang nabuong supling.
Mag-isang hinarap ni Sunshine ang umaantala sa kaniyang sinapupunan—tila tumatakbo siyang may piring sa mata, walang gumagabay, at hindi alam ang patutunguhan. Habang hinaharang ng lipunan ang kaniyang landas, dumadagundong sa kaniyang isipan ang ingay ng Maynila at tensiyon mula sa gymnastics. Ngunit higit sa lahat, naghahari ang panghuhusga sa kaniyang estado mula sa mga taong talata sa Bibliya ang pinipintig ng puso. Imbes na dunong, husga ang ibinabato sa kaniya.
Subalit, sa katahimikan ng kaniyang kuwarto at ng kaniyang kapatid na si Geleen, ginampanan ni Jennica Garcia, nahanap ni Sunshine ang kakamping kinakailangan niya. Ipinahayag ni Geleen ang kaniyang suporta, anumang maging desisyon ni Sunshine para sa kaniyang pagbubuntis. Tila isang mainit na yakap ang mga salitang ito na pinagkuhanan ni Sunshine ng lakas upang makaligtas sa idineklarang digmaan ng lipunan sa kababaihang pinipili ang kanilang sariling pagpapasiya.
Sinusupil na katotohanan
Matagal nang suliranin sa Pilipinas ang kawalan ng edukasyong seksuwal na nakadudulot ng matinding pagkabahala. Maraming kababaihan ang napagsasamantalahan sa murang edad dahil sa kawalan ng maayos na edukasyon ukol sa kanilang mga katawan at sa ugnayan nila sa kalalakihan. Subalit inililibing sa limot ang mga ito dulot ng iba’t ibang moralidad, relihiyon, at paniniwalang nangingibabaw sa bansa.
Sa ganitong katahimikan sumisigaw ang naturang pelikula. Sa ginanap na talkback session, ipinahayag ni Maris na pumayag agad siyang gampanan ang karakter pagkatapos basahin ang iskrip. Ayon sa kaniya, “It was also the start of activism in terms of my craft na, I wanted to take on roles na would empower a certain community.”
Ginamit niyang instrumento ang kaniyang boses upang bigyan ng kapangyarihan ang mga komunidad na inaapi. “I believe in any kind of medium ng art. Nakakabago talaga siya ng mind and film is one of them, and I’m really glad na maraming kabataan [at] maraming kababaihan ang na-empower ng Sunshine,” pagsasaad niya.
Patunay lamang itong naipalalaganap ang pinakapuso ng pelikula sa paggamit ng impluwensiya at plataporma ng mga sikat na personalidad. Hangga’t may lumalaban, abot-kayang buksan ang kandado ng mga pintong sarado sa paglago ng paniniwalang ikabubuti ng lahat.
Tutol sa mahika ng patriyarka
Mula sa hukay ng patriyarka, naisabuhay ng Sunshine ang kababaihang nagigipit ng sistemang pabor lamang sa mga may kapangyarihan at kalalakihan. Inilalantad ng pelikula ang mga sinusupil na paksa tulad ng aborsiyon at edukasyong seksuwal gamit ang pagpinta ng mga karanasan nina Sunshine.
Tinalakay ni Maris ang mga dinanas niya sa likod ng eksena. Pinagtapat niyang nahirapan siyang kausapin ang mga babaeng buntis na sumubok ding gumamit ng pampalaglag. Kuwento raw ng mga dalaga, pakiramdam nilang huling araw na ng kanilang buhay pagpasok pa lamang sa motel. “They did everything to choose themselves hanggang sa huli,” dagdag ni Maris. Ang mga kuwentong ito raw ang nagtulak at nagbigay ng lakas-loob sa kaniyang tapusin ang pagganap sa Sunshine.
Nilayon ng pelikulang alisin ang estigma sa mga paksa tulad ng aborsiyon at pakikipagtalik. Naitutulak patabi ang pagsulong sa tamang edukasyon at pagbigay ng tulong sa kababaihang ikinakabahala ang mga suliraning ito. Nagbubukas ang pelikula ng mas malawak na diskusyon tungkol sa paglikha ng ligtas na espasyo para sa kababaihan, lalo na sa mga desisyong hinggil sa kanilang katawan.
Tunay na nakabibighaning subaybayan ang kuwento ni Sunshine at ng kaniyang mga kaibigan sa pagtuklas ng kanilang damdamin at pagbuwag sa hindi tuwid na pag-iisip. Sa ganitong paraan, nagiging instrumento sila laban sa nakasanayang sistemang ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa tuktok ng lipunan.
Pagluwal ng pananaw
Sa isang relihiyosong lipunang mabigat ang pagpapahalaga sa moralidad, matindi ang paghuhusga sa mga babaeng nabubuntis nang hindi pa ikinakasal. Ngunit hindi kailangang isugal ng kababaihan ang kanilang pangarap—lalo na ang kanilang katawan at buhay—para lamang tanggapin ng lipunang kanilang ginagalawan.
Tunay na karanasan ang inilarawan sa mga salaysay ni Sunshine at dinaranas ito ng kababaihang matatanaw sa kalye, barangay, o gilid ng simbahan. Kinakatawan ng dalaga ang milyon-milyong babae sa Pilipinas na naging biktima ng patriyarkang matagal nang binabalewala ang kalusugang pambabae. Bunga sila ng pabayang lipunan na isinasantabi ang kanilang pagkatao dahil sa lumang sistema at mapaniil na pag-iisip.
Sa kabila ng gapos ng patriyarkang pumupulupot sa lipunan, gumaganap si Sunshine bilang paalalang may kalayaan ang bawat babaeng pumili para sa kanilang katawan at pangarap. Sa patuloy na laban ng kababaihan, walang hinahangad ang hindi kayang makamtan upang muling itaguyod ang kanilang puwesto sa lipunan.
