
“It is actually a reframing—a reframing of a story that we have studied, perhaps.”
Ganito inilarawan ng prodyuser na si Ellen Ongkeko-Marfil ang pelikulang “Lakambini: Gregoria de Jesús.” Sa panulat ni Rody Vera at direksiyon nina Jeffrey Jeturian at Arjanmar Rebeta, binigyan ng pelikula ang mga manonood ng pagkakataong mas kilalanin si Gregoria “Ka Oriang” de Jesús sa panahon ng Katipunan at Himagsikang Pilipino.
Bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Oriang at matapos ang isang dekadang paglikha, ipinamalas ang pelikula nitong Oktubre 23 sa Violet Carpet Screening sa UP Film Institute.
Mahalagang pumulot ng mga piraso ng kasaysayan, lalo na sa lipunang patuloy na nagbabago. Dahil dito, inaanyayahan ng pelikulang muling isipin at pakinggan ang mga panig na hindi nabibigyan ng alumana. Pinalawak nito ang iba’t ibang pananaw sa kuwentong itinanim sa mga Pilipino at ibinunyag ang mga puwang na dapat punan.
Pamana ng pagtitiyaga
Sa paglipas ng panahon, mas nabibigyang-pansin ang paghihirap ng mga babae. Kahit patuloy silang nagpapakita ng kakayahan, nananatiling mas malakas ang hatak ng kalamangan ng kalalakihan sa lipunan. Gayunpaman, naging pamana ang pagsisikap ng kababaihan—isang lakas at pagpapahalagang binitbit ni Ka Oriang at patuloy na isinasabuhay hanggang ngayon.
Binuhay ng mga aktres na sina Lovi Poe, Gina Pareño, at Elora Españo sa kanilang pagganap ang katatagan at pakikibaka ni Ka Oriang para sa Katipunan. Nakilala siya ng manonood hindi lamang bilang bayani o bilang asawa ni Andres Bonifacio, na ginampanan ni Rocco Nacino, kundi bilang babaeng nagdala ng sandata ng pagpapasiya. Bilang patunay, siya ang kauna-unahang babaeng sumapi sa Katipunan, at kalaunang inakyat sa posisyong Lakambini. Nasa kaniyang pangangalaga ang mahahalagang dokumento ng samahan at tinupad niya ang mga tungkuling nakaatas sa kaniya kahit anumang panganib ang harapin.
Kaunti rin ang ipinakitang karahasan sa pelikula, sapagkat higit na ipinaparamdam ang malasakit ni Ka Oriang sa bawat eksena. Mula sa kasiyahan hanggang sa kalungkutan, masasalamin ang kaniyang damdamin sa pagmamahalan nila ni Bonifacio—sa pagtindig man sa himagsikan o sa kamatayan ng iniirog. Hinayaan ni Ka Oriang na maramdaman ang matinding pagdadalamhati hanggang sa kasal nila ni Julio Nakpil, na naglalarawan ng tibay at lalim ng kaniyang pagkatao.
Ibinunyag ng pelikulang na sa kabila ng matibay na paninindigan ni Ka Oriang, naroroon pa rin ang malalim niyang kalumbayan—isang panig ng kaniyang pagkatao na bihirang makita sa kasaysayan ng bayani.
Kalakasan ng tinig
Pinatindi ng Lakambini ang boses at lakas ng mga babae—simbolismong hindi sila nalalayo sa mga lalaki. Lalong sumilay ang diwang ito sa pahayag ni Nacino sa press conference nitong Oktubre 23. “But I think you will see [in the film] that . . . okay, ‘di na pala lalaki [lang] ang [may] kayang gumawa nito,” paliwanag niya.
Sa pagkukuwento ng pamumuno ni Ka Oriang bilang Lakambini at ng kaniyang pakikipaglaban sa himagsikan, tumayo siya bilang gabay na nagbigay-liwanag sa katatagan ng kababaihan. Dahil sa paglaganap ng kanilang mga salaysay, lumalalim din ang panawagang kilalanin sila sa kasaysayan. Bilang tugon, isinusulong ang ipinapanukalang Lakambini Act of 2025 upang maisama sa kurikulum ang pag-aaral ng mga babaeng bayani.
Bagaman hindi nakadalo si Poe sa press conference, ipinahayag niya ang kaniyang mga kaisipan sa ipinakitang bidyo. “A struggle that still feels close to home today, where truth is often challenged. That’s why the bill to institutionalize the study of Filipina heroes is so meaningful and very timely. It’s a form of justice for those whom history has overlooked,” diin niya.
Ipinunto naman ni Ongkeko-Marfil ang sinabi ni Ricky Lee sa kaniyang scriptwriting workshop, “Kapag may problema kayo sa kasalukuyan, tumingin kayo sa nakaraan. Baka mahanap ninyo ‘yung solusyon.”
Sa pagharap sa paulit-ulit na suliranin, nagiging susi ang pagsulyap sa kasaysayan upang makahanap ng kasagutan. Bilang isang babaeng bayani, ibinahagi si Ka Oriang bilang isang daan patungong nakaraan upang ipakita ang kakayahan ng kababaihan.
Karangalang kasikhayan
Sa pagbabago ng pananaw sa kuwento, mas luminaw ang pagkakakilala kay Ka Oriang. Naging sagisag ng pagsisikap ang bawat pagdurusang kaniyang hinarap—isang pamana para sa mga babaeng lumalaban sa kasalukuyan.
Hindi nawawala ang kabuluhan ng gantimpalang ito; sa halip, lalo lamang tumitibay at patuloy na lumalakas ang tinig ng kababaihan sa pagdaan ng panahon. Pinatutupad ang hangaring kilalanin sila bilang ganap na katuwang ng kalalakihan—na kaya rin nilang makipagsabayan, hindi lamang maging tagasunod.
Sa bawat paglingon sa tagumpay ng mga babaeng bayani, nabubuo ang tulay patungo sa kaunlaran at higit na pagkilala sa kanilang lakas at kakayahan.
