Tatak Lasalyano: Paglilingkod ng mga natatanging estudyante at kawani ng DLSU, ipinagbunyi sa Gawad Lasalyano 2025

Kuha ni Jyacinth De Guzman

BINIGYANG-PUGAY ang bunga ng pagpupunyagi at paglilingkod ng mga miyembro ng pamayanang Lasalyano ng De La Salle University (DLSU) sa Gawad Lasalyano 2025 tangan ang temang “Paghahabi ng Diwang Lasalyano: Pananampalataya, Paglilingkod, at Pagkakaisa” sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Nobyembre 21.

Sentro ng programa ang paggawad ng mga pangunahing parangal at university commendation. Gayundin, naghatid ng talumpati si Akbayan Representative at Congressman Chel Diokno bilang panauhing pandangal para sa gabi ng parangal.

Lasalyano para sa bansang makatarungan

Pinalalim ni DLSU President Br. Bernard Oca FSC sa kaniyang pambungad na talumpati ang kahulugan ng diwang Lasalyano at ang kolektibong layunin at adhikain ng mga ito. Binigyang-diin din niya ang makabuluhang kontribusyon ng husay at makapusong paglilingkod ng mga ginawaran sa pagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa kapwa. 

Binalangkas naman ni Atty. Diokno ang ugnayan ng pananampalataya, paglilingkod, at pagkakaisa sa pagtaguyod ng magandang kinabukasan ng bansa, lalo na sa panahong talamak ang mga kinahaharap na krisis sa Pilipinas. Iminungkahi niyang gamitin ang mga prinsipyong ito bilang gabay upang manindigan, magsilbing boses, at maging pag-asa ng sambayanan.

Ibinahagi rin niya ang pagpapalago ng kamalayan at konsiyensang pambansa upang makamit ang makatao at makatarungang Pilipinas na siyang iniwang aral ng kaniyang yumaong ama na si Jose Diokno.

Pinaalala niya ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng bawat estudyante sa pagtataguyod ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. “Maging susi kayo sa pagyabong ng bansang pinapangarap natin—isang bansang mas makatao, malinis, at makatarungan,” paghimok niya.

Pagkilala sa mga natatanging Lasalyano

Iginawad ang Gawad Br. Acisclus Michael FSC kay DLSU Red Cross Youth President Daniel Santiago bilang huwarang pinuno ng organisasyong pang-estudyante. Pinarangalan naman si Aleksandra Sofiya Mari Sy ng Gawad Br. Imar William FSC para sa kaniyang ambag sa pagtataguyod ng disiplina bilang Student Discipline Formation Office (SDFO) Paragons President. 

Tinanggap naman ni Sara Francine Olendo ang Gawad Br. John Lynam FSC bilang kinikilalang lider sa larangan ng indibidwal na isports. Itinaguyod ni Torres bilang co-captain ng DLSU Lady Woodpushers ang koponan sa pagkamit ng ikalawang gantimpala sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Standard Chess Tournament.

Samantala, ipinagkaloob ang Gawad Fr. Gratian Murray AFSC kina University Student Government Vice President for External Affairs Donald Xymoun Rivera at Santiago bilang pagkilala sa kanilang malawak na paglilingkod at mga programang nakatuon sa pagpapaunlad ng komunidad. 

Pinarangalan din si C/LTCOL Martin Angelo Sabater 1CL ng Gawad Colonel Jesus A. Villamor para sa kaniyang natatanging serbisyo sa larangan ng militar. Nagsilbi siyang Deputy Corps Commander bilang katuwang sa pamumuno ng buong sandatahan. 

Tinanggap naman ni Shannyne Blythe Virtucio ang Gawad Leandro V. Locsin dahil sa kaniyang kontribusyon sa sining at kultura bilang company manager ng La Salle Dance Company (LSDC) Contemporary.

Nakamit ni Francis Marlon Cabredo, Lasallian Student Ambassadors for Graduate Education (SAGE) Core Officer, ang Gawad Ramon V. Del Rosario, Sr. bilang pagkilala sa kaniyang kahusayan sa akademiks at dedikasyon sa pamumuno sa hanay ng mga graduate student. 

Ipinagkaloob naman ang Gawad Francisco Ortigas, Jr. kina Laguna Campus Student Government Nauj Krylle Agbayani at Rivera bilang namumukod-tanging undergraduate student leaders ng Pamantasan. 

Ipinunto ni Agbayani sa kaniyang talumpati na hindi nasusukat ng anumang pamantayan ang pagiging isang lider at iniugat niya ito sa pagmamahal bilang pundasyon ng bawat proyekto at serbisyong iniaalay sa Pamantasan.

“Sa dalawang taong paglilingkod [ko] bilang Laguna Campus Student Government President, naramdaman ko na ang isa sa pinakamakapangyarihang nagdulot sa akin upang manatiling tapat sa paglilingkod ay ang pagmamahal. . . ngunit hindi sapat na ang pagmamahal na ito ay manatili lamang sa loob ng pamantasan,“ saad ni Agbayani. 

Ipinahayag naman ni Rivera na makatutulong sa malawak na konteksto ng lipunan ang mga parangal na nakamit ng mga Lasalyano at hindi lamang ito pagkilala sa serbisyong inihatid nila sa Pamantasan.

“Ang ating mga gawa, gaano man kaliit o kalaki, ay magkadudugtong at bahagi ng isang mas malaking layunin para sa kapuwa at lipunan. Palagay ko pong hindi sapat ang karangalang tinatanggap natin, kailangan po nitong tumbasan ng malinaw na pag-unawa sa ating tungkulin bilang mga Lasalyano,” wika ni Rivera. 

Gawad sa huwarang serbisyo

Kinilala ang LSDC – Folk, Team Elevate – Viridis Arcus, at 38 pang indibidwal mula sa Culture and Arts Office, Lasallian Social Enterprise for Economic Development (LSEED), Office of Sports Development (OSD), at Office of Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment bilang pagpapatibay ng kanilang paglilingkod para sa DLSU. 

Pinahalagahan din ang hindi matawarang serbisyo ng mga natatanging estudyante mula sa Center for Social Concern and Action (COSCA) – Lasallian Outreach and Volunteer Effort at DLSU Red Cross Youth Council. Gayundin, ang mga Lasalyanong bahagi ng Lasallian Social Engagement Reliable Volunteers at ang mga kadeteng opisyal ng 247th Naval Reserve Officers’ Training Corps Unit.

Kasama rin sa ginawaran ang mga estudyante mula sa Student Lasallian Animators, Lasallian Youth Corps Manila, Liturgical Ministers I-Serve, at Christ Youth in Action para sa kanilang masigasig na pagtupad ng tungkulin sa espirituwal na komunidad ng Pamantasan. Kinabitan din ng pagkilala ang natatanging kontribusyon ng mga student manager mula sa OSD at mga kinatawan ng International Center Buddy. 

Hindi nagpahuli ang mga Lasalyano mula sa Student Affairs Office – Laguna Campus (SAO-LC) dahil pinagkalooban din ng gawad ang mga estudyante mula Student Discipline Formation Unit Paragons, Lasallian Ambassadors (LAmb), SAO Volunteers Implementing the Best Experiences, at Counseling Services Unit Compassionate Advocates for a Responsive Engagement and Support. 

Pinagtibay rin ang serbisyo ng mga natatanging estudyante mula SDFO Paragons at SDFO student representatives. Ipinagbunyi rin sa gabi ng parangal ang serbisyo ng hanay ng mga LAmb, Lasallian Student Consultants, SAGE, Lasallian Learning Express, at ang mga natatanging kinatawan ng Student Success Center. 

Pinagtuunan din ang mga natatanging kawani ng COSCA, Counseling and Psychological Services, SAO-LC INDIE, Lasallian Mission Office, LSEED, Lasallian Recollection 1 at 2, Formation for Law Students, Senior High Accompaniment and Reflection Experience 11 at 12, Catholic Religious Organization of Students, Adult Formation, Liturgical Ministers, National Service Training Program Formation Office, SLIFE, at Student Media Office.