Mga naisakatuparan at nakaambang proyekto ng USG sa unang termino, itinampok sa State of Student Governance sa ikatlong espesyal na sesyon ng LA

BINALANGKAS sa ikatlong espesyal na sesyon ng Legislative Assembly ni De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) President Lara Capps ang mga inisyatibang kanilang napagtagumpayan sa unang termino at mga planong nakahanda para sa ikalawang termino sa Yuchengco Grounds, Nobyembre 29.

Pagtindig sa mapanghamong bungad

Tinukoy ni Capps ang pagbabalik-tanaw sa mga hamong sumubok sa kanilang opisina—mula sa pambansang kalamidad, transport strike, at mga isyung pangkalusugan sa loob ng Pamantasan.

Ipinunto niya na isinaalang-alang nila ang mga agarang aksiyon tulad ng pakikipag-usap sa administrasyon ng DLSU at pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat Lasalyano tuwing may banta sa kanilang kaligtasan. Pagdidiin niya, “No Lasallian should have to choose between their safety and their academics.”

Gayundin, pinalawig ng USG ang paglahok sa kolektibong pagkilos ng pamayanang Lasalyano hinggil sa mga isyung pambansa. Mariing nakipag-ugnayan ang USG sa Lasallians Against Corruption (LAC) upang ikasa ang walkout bilang pagtindig sa paghingi ng integridad at accountability sa mga tiwaling lingkod-bayan.

Ikinasa ng Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) ang pagtatali ng mga puting laso sa gate ng St. La Salle Hall Facade bilang tanda ng kanilang pakikiisa sa pagsugpo ng katiwalian sa gobyerno nitong Nobyembre 20. Ipinaalala niyang hindi sila mananahimik lalo na sa panahong napipiit ang seguridad ng Pilipinas. 

Kaugnay nito, itinatak ni Capps na isa ito sa mga hakbang ng kaniyang administrasyon sa pagkamit ng adhikaing iangkla ang kanilang pamumuno sa pambansang kalagayan. “Lasallians are not detached from the realities faced by the country,” giit pa niya.

Paunang hakbang sa kinabukasan

Ibinida ni Capps ang matagumpay na pagsalubong ng Office of the President (OPRES) sa mga bagong estudyante ng DLSU sa bisa ng Arrows Homebound. Tampok sa naturang programa ang mga aktibidad tulad ng  Animo Journal Wall, Spot It: Animo Bingo, at Archer’s Got Talent na isinagawa sa loob ng dalawang linggo.

Isinulong din ng kaniyang administrasyon, kasangga ang LAC, ang malawakang mobilisasyon ng tinatayang 2,000 Lasalyano sa walkout kontra katiwalian nitong Oktubre 3 at Nobyembre 21.

Pinangunahan din ng OPRES ang pagdiriwang ng Animo Christmas 2025 na sinimulan nitong Nobyembre 18 at magtatagal hanggang Disyembre 13. Binigyang-buhay ang naturang pagdiriwang ng mga programang Lasallian Secret Santa, Lasallian Buddy Day, Open Mic Night, at Santa’s Workshop. 

Samantala, matagumpay na idinaos para sa mga Lasalyano ang Animo Christmas Concert na dinaluhan ng halos 1,500 estudyante nitong Nobyembre 26.

Nakaangkla naman sa pagpapalawig ng suporta sa mga serbisyong pang-estudyante ang mga inilunsad na programa ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA). Kabilang sa mga inisyatibang ito ang Lasallian Kits, Study Spaces Efficiency Program, Archer’s Kitchen, at ang iNeedAssist na sistema ng naturang opisina. 

Ipinagmalaki naman ni Capps ang proyekto ng OVPEA kabilang ang pag-imbita sa Department of Transportation para sa AnimoGO: Beep Card Activation at kompanyang Proctor&Gamble upang isakatuparan ang Animo SkillsPrint: P&G Goes to DLSU. Layon ng dalawang programang tugunan ang pangangailangan ng mga Lasalyano hinggil sa transportasyon at pagpapaigting sa kanilang mga kakayahan.

Ipinagpatuloy naman ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang paglalaan ng mga subsidiyaryo tulad ng Animo Transit, Lasallian Learning, at Extra Allowance na inaasahang makatutulong na pagaanin ang buhay ng mga estudyante. 


Kaakibat nito, binuksan din ng OTREAS ang implementasyon ng Archers Housing Subsidy upang magpaabot ng tulong-pinansiyal na may kaugnayan sa mga renta at bayarin sa dormitoryo. Itinaguyod naman ng Animo Christmas Bazaar ang  pinansiyal na pagkukunan ng administrasyon sa kabi-kabilang inisyatiba hinggil sa scholarship.

Pagpapatuloy sa hinaharap

Isinusulong ni Capps ang pagtindig ng kaniyang administrasyon sa muling posibleng pagtaas ng matrikula ngayong akademikong taon. Ibabalik din ng OPRES ang ID on Wheels upang ilapit ang oportunidad sa mga Lasalyano na makakuha ng mga pangunahing valid ID tulad ng pasaporte at pagkakaroon ng ID picture sa loob ng Pamantasan.

Ilulunsad din ng OPRES ang community medical mission katuwang ang OVPEA at DLSU Parents of University Students Organization at pamamahagi ng Daily Go Kits bilang bahagi ng paggunita sa Buwan ng Kababaihan. Nakaukit ang programang ito sa pagkilala sa pangangailangan ng mga kababaihan sa loob ng Pamantasan.

Ipinangako rin ng OVPIA ang pagpapaigting ng kanilang mga programa sa ilalim ng serbisyong pang-estudyante. Inaasahan din ang pagbabalik ng Pahiram Locker and Equipment Program sa susunod na termino. 

Nakatakda ring simulan ng OVPEA ang inisyatibang Buddy to Buddy! upang palawigin ang inklusibidad at koneksyon sa mga may espesyal na pangangailangan upang bigyang-halaga ang neurodiversity sa Pamantasan. Gayundin, pinaghahandaan ng naturang opisina ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Inilatag din ni Capps ang pagbubukas OTREAS ng Lasallian Heartline Support Fund para sa agarang tulong-pinansiyal sa mga kritikal na pangangailangan, oportunidad sa mga international program, problema sa matrikula, at iba pang akademikong gastusin ng mga estudyante. 

Maliban dito, itataguyod din ang Animo Negosyo upang palaguin ang kakayahan ng mga Lasalyano sa iba’t ibang paraan para kumita at mga usaping panghanap-buhay.

Hinimok din ni Capps na makilahok ang pamayanang Lasalyano sa Meraki: Valentine’s Bazaar and Fair 2025 upang suportahan ang mga maliliit na negosyo at hindi lamang ang pangangalap ng pondo para sa kanilang mga proyekto.

Ipinaabot din niya ang kaniyang pasasalamat sa bumubuo ng kaniyang administrasyon, mga estudyante, at mga naging bahagi ng kanilang pamamahalang nakikinig at tumutugon nang may malasakit bilang pagtatapos ng kaniyang talumpati.

Nangako rin siyang ipagpapatuloy ng ika-16 na administrasyon ng USG ang mga desisyong umuugat at nakasentro sa kapakanan ng mga estudyante. “Let this be more than a vision—it must be our promise: to lead with empathy, act with purpose, and serve with humility,” pagwawakas ni Capps.