
Walang tigil na binubuklat ng mga kasapi ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) ang kuwento ng kanilang mga kamag-anak na biktima ng sapilitang pagkawala noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ng panunungkulan ng diktadurang si Ferdinand Marcos Sr. Habang ilang dekada nang ipinagkakait sa kanila ang pagkakataong makita ang mga winalang mahal sa buhay, nananahan ang paghingi ng hustisya at pagnanais na manatili ang kamalayan sa mga biktima ng isa sa madidilim na yugto ng kasaysayan sa bansa.
Kabanata ng mga natuklasang pamilya
Pinagbubuklod ng marahas na karanasan ng puwersahang pagkawala ng mga kaanak ang mga miyembro ng FIND. Nabuo ang organisasyon noong Nobyembre 23, 1985 sa kasagsagan ng pag-aalsa laban sa rehimeng Marcos Sr. Pinakasentrong layunin nito ang paghahanap at dokumentasyon sa mga kaso ng mga winala ng estado.
Mula sa dating siyam na pamilyang orihinal na miyembro nito sa National Capital Region, dumami na ang mga kasapi ng FIND sa mahigit isang libo sa buong Pilipinas. Sa kabila ng lalong paglawak ng organisasyon at ika-40 taong pagkatatag nito, itinuturing ito ni FIND Chairperson Celia Sevilla bilang magkahalong pakiramdam ng tagumpay at pighati.
Paglalahad niya sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “Marami na ring mga natulungan. Pero may pait din dahil nga ibig sabihin, sa bawat anibersaryo, kailangan pa rin ‘yung FIND. May dahilan pa rin para magkaroon ng FIND at ibig sabihin, patuloy kasi ‘yung sapilitang pag[ka]wala. Hindi pa rin nawawakasan.”
Bukod sa pangunahing misyon ng organisasyon, binibigyang-diin ng FIND ang paghahatid ng suportang psychosocial sa mga kamag-anak ng mga desaparecido at pagmumulat lalo na sa kabataan. Lumalawig ang mga natatagpuang pamilya ng mga miyembro ng FIND gamit ang pakikipag-ugnayan ng organisasyon sa iba pang mga komunidad na isinusulong ang karapatang pantao.
Ilang halimbawa nito ang Balay Rehabilitation Center at Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na kapuwa nagbibigay-tulong pa rin sa FIND hanggang ngayon. Kumokonsulta ang FIND sa Balay Rehabilitation Center para sa komprehensibong programa ng suportang psychosocial habang gumagabay ang TFDP sa dokumentasyon bilang isa sa mga naunang organisasyon.
Pahina ng mga alaala ng mga winala
Kabilang sa mga biktima ng sapilitang pagkawala ang kapatid ni dating FIND Co-Chairperson Nick Tayag. Ibinahagi niya sa APP na dinukot ng mga militar si Carlos Tayag o mas kilala bilang “Caloy” noong Agosto 1976. Nauna munang maging mongheng Benedictine sa San Beda College si Caloy bago magsilbing aktibistang tumutulong sa mahihirap.
Bunsod ng pagiging aktibista, kaagad na binansagan si Caloy bilang isang komunista noong Batas Militar at tinugis ng mga puwersa ng estado. Sinubukang hanapin ng kanilang pamilya si Caloy sa mga kampo ng mga militar at tanggapan ng gobyerno subalit wala silang nakuhang impormasyon sa mga ito. Huling nakalap ng pamilya Tayag ang balita ng malakas na sigaw ni Caloy habang tinotorture mula sa isang aktibistang dinakip din.
Wika ni Nick, “Ang naramdaman namin siyempre, galit din. Bakit gano’n siya? Bakit gano’n ang treatment sa kaniya? Samantalang he was just a social activist. Tumutulong siya sa mahihirap; he was never a communist, although he was a youth leader at that time. He organized a group of Christian youth who were involved, who were engaged in helping the poor.”
Katulad ni Caloy, biktima rin ng sapilitang pagkawala si Hermon Lagman na kapatid ni dating FIND Co-Chairperson Nilda Sevilla. Sinariwa niya sa APP ang pakikibaka ni Lagman para protektahan ang karapatan ng mga manggagawa buhat ng pagiging isang abogadong nakatuon sa mga anak-pawis at karapatang pantao.
Idinagdag din ni Nilda na noong estudyante pa lamang sa University of the Philippines (UP) Diliman si Lagman, masidhi na niyang ipinakikita ang pagtataas ng adbokasiya ng mga maralita sa pagiging patnugot ng dalawang pahayagan sa UP at estudyanteng aktibista. Matapos ang deklarasyon ng Batas Militar noong rehimeng Marcos Sr., inaresto si Lagman noong 1972 at 1976. Bagaman napakawalan, tuluyang nawala ang abogado ng mga obrero noong 1977.
Nag-iwan ng malalim na sugat sa pamilya Sevilla ang puwersahang pagkuha kay Lagman. Pagdadalamhati ni Nilda, “Ako, sasabihin ko na until now that I’m still raging. Talagang poot [at] galit talaga ‘yon eh. Of course, nasasaktan ako. Sinasabi ko sa mga anak ko na there are times na ‘pag nagsa-shower ako, kasi ayaw ko na nakikita nila akong umiiyak, umiiyak talaga ako ‘pag naalala ko [‘yung nangyari].”
Ipinapasang panulat
Kapuwa naudyok ng pagkawala nina Caloy at Lagman ang kanilang mga kamag-anak upang ipagpatuloy ang kanilang mga ipinaglalaban. Mula sa mga nanay nilang nagsimula sa pagtaguyod ng FIND, kapatid nilang nakikiisa sa iba’t ibang mga sektor, hanggang sa ikatlong henerasyon, nag-aalab ang memorya ng kanilang buhay sa mga kaanak.
Hinahangad nina Nick at pamilya Sevilla ang pagbabalik-tanaw ng mga mamamayan sa nakaraan upang manatili ang katotohanan sa kabila ng pagbabaluktot dito. Habang walang tigil na sinasambit ng FIND ang kabanata ng mga winalang mahal sa buhay, umaasa silang maipagpapatuloy ng kabataan ang pagmamalasakit sa nakaraan. Ipinapayo rin nila ang pagdami ng mga sumasali sa mobilisasyon at responsableng paggamit ng mga dihital na plataporma upang ipabatid ang kamalayan sa mga isyung panlipunan.
Hindi lamang ang mga mismong winala ang maituturing na biktima sa mga kaso ng sapilitang pagkawala. Biktima rin ang kanilang mga pamilyang naiwan sa matagal na panahon ng kawalang-kasiguraduhan. Mahaba man ang nobela tungo sa pagkamit ng ganap na pananagutan, lalo namang pinatitingkad ng mga kamag-anak ng mga desaparecido ang tinta ng kanilang mga alaala para masiguradong hindi sila malilimutan sa kasaysayan.
