Green Archers, nanlata sa dilaab ng Fighting Maroons

Kuha ni Florence Osias

NAPURNADA ang pagsalakay ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa sandatahan ng defending champions University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 63–66, sa kanilang ikalawang paghaharap sa  best-of-three Finals Series ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena nitong Disyembre 14.

Nanguna para sa Taft mainstays si shooting guard Jacob Cortez na nagrehistro ng 16 na puntos, apat na rebound, dalawang assist, at isang steal. 

Umagapay din si power forward Luis Pablo na nagtala ng 12 puntos, tatlong block, dalawang assist, at isang steal.

Itinanghal namang Player of the Game si UP Team Captain Gerry Abadiano matapos kumamada ng 17 puntos, dalawang rebound, at isang steal.

Maagang rumatsada ang Taft-based squad sa pangunguna ni Kapitan Mike Phillips na nagpasiklab ng putback slam sa 7:50 marka, 7–0, na sinundan ng palitan ng tirada nina UP shooting guard Jacob Bayla at DLSU power forward Pablo sa ika-2:11 marka, 15–9, bago tuldukan ng veteran EJ Gollena ang unang yugto matapos umukit ng buzzer-beater three-point field goal, 20–13.

Nagliyab ang kort sa pag-arangkada ng ikalawang yugto nang magpalitan ng tres sina Fighting Maroon Rey Remogat at Green Archer JC Macalalag pagdako ng ika-6:10 ng orasan, 27–21, ngunit nabulabog ang hanay ng Taft sa ipinundar na 12-0 run ng Diliman-based squad kaakibat ng tirada ni Janjan Felicilda sa labas ng  arko, 27–33, bago ang tangkang pag-apula nina Macalalag at Phillips sa loob at free-throw line, 32–35. 

Mainit na sinalubong nina Macalalag at Cortez ang second half nang sindihan ang palaso ng mga manunudla upang itabla ang talaan sa 7:27 marka, 37–all, na sinagot nina Harold Alarcon at Gani Stevens ng mga jump shot upang muling kunin ang bentahe, 37–41, ngunit patuloy na dumikit ang Green Archers sa bisa ng mga tiradang pinakawalan ni Phillips sa free-throw line, 47–49. 

Agad na bumandera para sa Diliman mainstays si Remogat gamit ang dalawang tres, 51–55, na rinespondehan ng scoring trio ng Taft na sina Pablo, Marasigan, at Cortez upang angkinin ang bentaha, 57–55, ngunit agad na binawi ng mga nakapula ang kalamangan hanggang sa huling minuto mula sa mid-range jumpshot ni Abadiano, 62–65, na hindi na nasolusyunan pa ni Cortez sa free-throw line sa pagtatapos ng salpukan, 63–66.

“‘Yung mindset naman heading sa game 3, back to square one. Sabi nga ng coaches namin, ‘given na ‘yung opportunity,’ kailangan lang naming itama ‘yung lapses, [at gawin] ‘yung mga improvements na kailangan naming i-adjust,” pagbabahagi ng beteranong si Macalalag sa Ang Pahayagang Plaridel tungkol sa mga hakbang na isasagawa ng DLSU sa kanilang pagtatangkang ibalik ang kampeonato sa kanilang hanay. 

Buhat ng pagkatabla ng serye, sasabak ang Green Archers sa winner-take-all Game 3 sa Smart Araneta Coliseum sa ika-3:30 n.h. bukas, Disyembre 17. 

Mga Iskor:

DLSU (63) – Cortez 13, Pablo 12, Marasigan 8, Phillips 8, Macalalag 7, Abadam 4, Gollena 3, Dungo 3, Amos 2, Baclaan 0, Nwankwo 0, Daep 0.

UP (66) – Abadiano 17, Nnoruka 13, Remogat 12, Stevens 8, Bayla 6, Alarcon 5, Felicilda 3, Fortea 2, Yñiguez 0, Alter 0, Belmonte 0, Torres 0.

Quarterscores: 20–13, 33–35, 47–49, 63–66.