Green Archers, sinupalpal ang tapang ng Fighting Maroons

Kuha ni Jean Carla Villano

SINUPIL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang sandatahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 74–70, sa kanilang unang duwelo sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament best-of-three final series sa SM Mall of Asia Arena nitong Disyembre 10.


Itinanghal na Player of the Game si DLSU guard Jacob Cortez matapos kumamada ng 21 puntos, apat na rebound, at dalawang assist upang ibandera ang Berde at Puting watawat.

Umalalay din si sophomore guard Doy Dungo na naglista ng 15 puntos, habang nagtala naman ng all-around game si forward Luis Pablo bitbit ang pitong puntos, anim na rebound, tatlong block, at dalawang steal.

Binuhat naman ni UP stalwart Harold Alarcon ang opensa ng Fighting Maroons tangan ang kaniyang career-high na 34 na puntos, kaakibat ang dalawang rebound at dalawang assist.


Umaatikabong sagupaan ang bumungad sa unang yugto nang magpalitan ng tirada ang magkabilang panig, 17–all, na agad ding binasag ni Taft mainstay Kean Baclaan sa bisa ng mid-range jump shot at tres, 25–22, ngunit pumuslit ng long jumper si Alarcon upang tapyasin ang bentaha ng DLSU, 25–24.


Nagningas ang dilaab ng mga pambato ng Diliman pagpatak ng ikalawang kuwarter sa pananalasa ni Alarcon sa loob at labas ng arko na ginatungan pa ng tatlong puntos ni Terrence Fortea, 30–34, ngunit agad ding pumukol ng tres si Baclaan mula sa tuktok ng perimeter upang tuldukan ang unang 20 minuto ng tapatan, 33–36.

Sinalubong naman ni Cortez ang ikatlong kuwarter sa bisa ng isang jumper shot, 35–36, na agad namang tinablahan ni Alarcon at Francis Nnoruka ng tres at fade away shot, 39–43, upang tuluyang ungusan ang kampo ng Taft, 53–58.

Bitbit ang matinding tensiyon, nagawa namang humabol ng Taft mainstays matapos pumukaw ng 15 puntos sa unang limang minuto ng huling kuwarter, 68–all, na sinubukan pang habulin ni Alarcon ng layup shot, 71–70, ngunit suwabeng isinalansan ni Cortez ang tres sa harap ng 18,210 bilang ng mga nanood sa MOA Arena upang ikandado ang kalamangan sa serye, 74–70.

Ibinahagi ni Cortez sa Ang Pahayagang Plaridel ang preparasyong gagawin para sa pagsungkit ng kampeonato. Aniya, “We’ll definitely watch the coverage of this game and focus on what we could do on our lapses.”

Bitbit ang unang panalo sa best-of-three finals series, susubukang bawiin ng Taft mainstays ang korona mula defending champions UP Fighting Maroons sa parehong lunan sa ika-4:00 n.h. bukas, Disyembre 14.

Mga Iskor: 

DLSU (74) – Cortez 21, Dungo 15, Baclaan 9, Phillips 7, Pablo 7, Marasigan 7, Macalalag 6, Abadam 2, Gollena 0, Amos 0, Nwankwo 0.

UP (70) – Alarcon 34, Nnoruka 13, Abadiano 8, Torres 7, Fortea 5, Remogat 3, Belmonte 0, Stevens 0, Bayla 0, Yñiguez 0, Felicilda 0, Alter 0.

Quarterscores: 25–24, 33–36, 53–58, 74–70.