
NANGIBABAW ang puwersa De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra National University (NU) Bulldogs, 87–77, sa unang sagupaan ng Final Four series ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 3.
Ibinulsa ni DLSU forward EJ Gollena ang titulong Player of the Game bitbit ang 11 puntos at tatlong rebound.
Umagapay naman si guard Jacob Cortez matapos magsumite ng 13 puntos, apat na assist, dalawang steal, at isang rebound.
Pinangunahan naman ni Jake Figueroa ang NU Bulldogs matapos umeksena bitbit ang 20 puntos, 10 rebound, at apat na assist.
Agad na napasakamay ng Green Archers ang momentum sa pagbubukas ng unang kuwarter sa bisa ng layup ni Vhoris Marasigan, 9–2, hanggang sa namulat ang opensa ng mga taga-Jhocson matapos kumana mula sa arko si Paul Francisco, 11–8, subalit kumayod ng 11-0 run ang DLSU sa pangunguna ni Gollena bago tuluyang isinara ni Luis Pablo ang yugto, 29–17.
Rumatsada sa pagbubukas ng ikalawang kuwarter si Figueroa upang pagdikitin ang talaan, 35–30, hanggang sa sinikwat muli ng Taft mainstays ang momentum nang isalansan ni Earl Abadam ang tres, 42–33, ngunit umariba rin ang NU sa bisa ng and-1 layup ni Jolo Manansala, 48–46.
Sariwa mula halftime, ipinamalas ng mga manunudla ang kanilang matibay na depensa matapos ang block ni Team Captain Mike Phillips na nagbigay-daan sa and-1 floater ni Marasigan, 55–46, bago nagpakawala ng fastbreak layup si Gollena, 67–54.
Nagpatuloy ang pagdomina ng Taft mainstays sa walang mintis na pagmaniobra ni Pablo sa ilalim, 71–54, ngunit sinubukan pang buhayin ni Figueroa ang pag-asa ng Bulldogs, 71–63, bago tuluyang dinagundong nina JC Macalalag at Mason Amos ang The Big Dome nang umukit ng 10-2 run sukbit ang magkasunod na tres upang ikandado ang panalo para sa mga nakaberde, 87–77.
Ibinahagi ni Kean Baclaan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang mga naging hakbang upang makabalik sa torneo at makapagbigay ng dagdag na puwersa sa Green Archers matapos ang kaniyang medial collateral ligament (MCL) tear injury.
“No’ng na-injure ako, ‘yung feel ko [ay] ayaw ko na mag-basketball. Actually, hindi rin ako nagte-therapy no’ng first few weeks kasi iyak lang ako nang iyak. ‘Yung first findings niya [ay] surgery eh, pero ayaw ko kasi hindi ako makakalaro next season. And ‘yon, after [ng] second MRI, re-evaluate lang ng 4–6 weeks. ‘Yon, ang daming nangyari pero nandito pa rin ako,” pagbabahagi ni Baclaan.
Muling makahaharap ng Green Archers ang Bulldogs para sa do-or-die game ng naturang serye sa SM Mall of Asia Arena sa Sabado, Disyembre 6.
Mga Iskor:
DLSU (87) – Cortez 13, Phillipis 12, Gollena 11, Marasigan 10, Macalalag 9, Pablo 9, Amos 8, Abadam 6, Baclaan 6, Dungo 3, Nwankwo 0.
NU (77) – Figueroa 20, John 12, Enriquez 8, Manansala 8, Jumamoy 7, Francisco 6, Palacielo 6, Garcia 4, Santiago 2, Padrones 2, Parks 2, Dela Cruz 0, Tulabut 0.
Quarter scores: 28–17, 48–46, 67–54, 87–77.
