Lady Archers, nakaligtas sa pagdagit ng Blue Eagles

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

SINALISIHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ng panalo ang langkay ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 73–72, sa pagwawakas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum nitong Nobyembre 26.

Nagningning bilang Player of the Game si DLSU rookie Kyla Go na kumana ng double-double output na 32 puntos, bitbit ang 11 rebound, walong assist, at tatlong steal.

Nanguna naman para sa Blue Eagles si two-time Most Valuable Player Kacey Dela Rosa na nagrehistro ng 22 puntos, 13 rebound, at limang block.

Maagang naghasik ang Lady Archers bunsod ng kanilang depensa sa backcourt, 13–8, subalit nagising ang opensa ng mga pambato ng Loyola Heights sa tulong ng pag-atake ni Dela Rosa upang itabla ang talaan, 22–all, na agad ding binasag ni Taft mainstay Paulina Anastacio upang selyuhan ang unang kabanata, 30–23.

Pagtungtong ng ikalawang yugto, pumagaspas ng 7–0 run ang mga taga-Loyola upang muling itabla ang iskor, 30–all, ngunit umukit ng bentahe ang Berde at Puting pangkat upang masikwat ang naturang kuwarter, 50–45.

Pagpatak ng ikatlong yugto, muling nabuhay ang diwa ng Blue Eagles sa bisa ng tres ni Ateneo guard Kailah Oani, 54–all, subalit hindi nagpatinag ang mga alas ng Taft bago wakasan ng mid-range jumpshot ni Go ang kuwarter, 60–59.

Tumaas ang tensiyon pagdako sa huling sampung minuto ng sagupaan matapos magpalitan ng mga tirada ang magkabilang koponan hanggang sa nanalasa sa ilalim si Dela Rosa para sa mga agila upang masulot ang kalamangan, 71–72, ngunit bigo silang pigilan ang buwelta ng mga Lasalyano na nagresulta sa pag-asinta ni Go ng isang floater upang sungkitin ang panalo, 73–72.

Bagaman kinapos na maabot ang inaasam na puwesto sa Final Four, nagtapos ang kampanya ng Lady Archers tangan ang 6–8 panalo-talo baraha.

Mga Iskor: 

DLSU 73 – Go 32, Anastacio 10, S. Dizon 9, A. Dizon 6, Villapando 6, Sunga 4, Mendoza 4, Dela Paz 2. 

Ateneo 72 – Dela Rosa 22, Oani 13, Makanjoula 9, Malagar 8, Villacruz 6, Cancio 5, Batungbakal 4, De Luna 3, H. Lopez 2.

Quarterscores: 30–23, 50–45, 60–59, 73–72.