
KAWANGIS ng apoy—umaalab ang pagnanasa ng mga politiko na pawiin at lusawin ang lehitimong kasaysayan. Walang katapusan nilang pinagtatakpan ang mukha ng pangungurakot upang muling maluklok sa tuktok. Mga salita at kuwento ang nagsisilbing sandata sa kanilang matataas na posisyon. Mistulang pagbubuhos ng mantika sa apoy ang pagpapalaganap ng kasinungalingan, na layon ang mabilis na pagkalat ng huwad sa masa imbes na ang katotohanan.
Bilang pag-alala sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, pinagpagan ng alikabok ang mga librong naglalaman ng kahindik-hindik na karanasan noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ginanap ang “The Legacy of Corruption: Exposing Wealth and Power from Martial Law to Today” sa pangunguna ng De La Salle University (DLSU) Committee on National Issues and Concerns at Probe Team sa Natividad Fajardo – Gonzalez Auditorium nitong Oktubre 15. Pinatingkad ng pagtitipong ito ang mga dugong dumanak at pawis na tumagaktak noong Batas Militar.
Hindi pumayag ang Probe na tuluyang matabunan o anayin sa estante ang mga unos at danas ng mamamayan mula sa maganit na gobyerno. Sa kanilang mga ipinalabas na dokumentaryo, patuloy na pinasisiklab ng datos at katotohanan ang kasakiman ng Batas Militar.
Siklo ng pagkasala
Diniin ni DLSU Center for Social Concern and Action Director Anna Lyn Bandagosa na ibinunyag ng dokumentaryo ng Probe ang katotohanang matagal nang ‘nepo babies’ ng Inang Bayan ang mga Marcos. Isa itong terminong tumutukoy sa mga anak na sumisimsim sa balon ng yaman at buwis ng taumbayan. Upang siyasatin lalo ang anggulong ito, nabuo ang “Dokyu Playlist,” isang koleksiyon ng mga dokumentaryong naipon mula 1972 at nakasentro sa panlilinlang noong kasagsagan ng Batas Militar.
Sa pagkatalsik ng pamilyang Marcos mula sa palasyo, napasakamay ng mga Pilipino ang libo-libong pruweba ng kanilang karangyaan. Natunton ng dokumentaryo ang pagsilang ng muwang ng mga batang Marcos na pinagpala ng kasaganaan, habang may mga Pilipinong nabuhay sa kakapusan. Nadiskubre rin ang “tapes” ng mga samot-saring mamahaling kagamitang sapat upang pakainin at pag-aralin ang mahigit isang daang tao. Sinindihan ng dokumentaryo ang yamang pilit itinatago sa mga mamamayan, mga kasong tinatakasan ang pagkapaso, at ang pag-alab ng galit ng mga Pilipino.
Matindi ang uhaw ng mga Marcos na linisin ang kanilang pangalan—tila halamang nananabik sa tubig sa kalagitnaan ng desyerto. Makikita ito sa pagbabalik ni Bongbong, na muling tumakbo bilang pangulo ng bansa upang ungkatin ang kanilang apelyido mula sa hukay ng bayan. Wala rin itong ipinagkaiba kay Imee, na puspusang nakipagpanayam upang linisin ang dungis sa kanilang lahi. Kusang-loob nitong pinasok ang kulungan ng politika upang baguhin ang iniwang pamana ng kanilang pamilya.
Hinimay ng “Dokyu Playlist” ang kakayahan ng umaapaw na kapangyarihan at ang kapasidad nitong anurin ang karapatang pantao. Lubog man sa kahirapan o lulong sa karangyaan, nakalalapnos ang kapangyarihan sa oras na gamitin ito para sa pansariling interes. Sa malagim na kahapon, itinaguyod ng Probe ang dignidad ng bawat tao at ipinaglaban ang katotohanan laban sa katiwalian.
Sigaw ng taumbayan
Muling sumilay ang liwanag sa loob ng awditoryum, waring binura ang bakas ng dilim na sumakop sa isip at damdamin ng mga manonood. Gayunpaman, hindi napawi ang bigat sa paligid habang sumisiklab ang poot, galit, at hinagpis ng madla sa talkback session. Pinangunahan ito ni Joseph Cataan, production head ng Probe, kasama sina Chef Angelo Guison, DJ Cupcakes, Lolita Lachica, at Atty. Cecilia Jimenez-Damary.
“They use the same tactics, narratives, [and] same kind of lies but different names and faces,” ani Lachica sa siklo ng panlilinlang. Walang pinagkaiba ang naratibo ng mga politikong may sala. Hindi humupa ang dagundong ng mga kasinungalingan at patuloy na namamayani ang kawalan ng pananagutan mula dekada ‘70 hanggang sa kasalukuyan. Kasabay nito, naging sentro rin ng usapin ang patuloy na katiwalian ng mga politikong inuuna ang kanilang mga pansariling interes.
Patuloy na napababayaan ng mga nasa kapangyarihan ang mga taong dapat nilang paglingkuran. Habang nabubusog sa kanilang kasakiman, lalong nagugutom ang taumbayan, sapagkat kulang ang mapagkukunan ng pagkain sa sektor ng agrikultura. Bunga ng hoarding, overpricing ng mga ani, at paglustay ng pondo, patuloy na bumabagsak ang kita ng mga magsasaka. Ganito ang araw-araw na hamon ng mga umaasa sa industriya ng asukal sa Negros Island, ayon kay Chef Guison. Sa ganitong kalakaran, sumambulat ang kasalatan sa pagkain, malnutrisyon, at gutom na hindi malilimutan ng mga taong nakaranas nito.
Sa naglalagablab na labanan ng naratibong pampolitika, mahalagang maging instrumento ng katotohanan upang mawaksi ang panganib na dala ng maling impormasyon. Ayon kay DJ Cupcakes, maaaring gamiting daluyan ng panawagan ang satire bilang mapanuyang tugon sa paulit-ulit na katiwalian. Binigyang-diin naman ni Atty. Jimenez-Damary ang papel ng pamamahayag sa pagpapalaganap ng katotohanan.
Hindi lamang simpleng tala ng nakaraan ang dokumentaryo at ang isinagawang talkback session, kundi isang panyayang gumising. Nanawagan ang Probe Team na panagutin ang mga Marcos at iba pang politikong patuloy na tumatakas sa kanilang mga karampatang parusa.
Sikap sa pananagutan
Habang patuloy na nilalamon ng kadiliman ang kasaysayan, tangan ng taumbayang panatilihing lumalagablab ang katotohanan bago tuluyang sakupin ng kasinungalingan. Hawak ng bawat taong nagmamalasakit ang pagtanim ng binhi ng kamalayang magpapabago sa lipunang binahiran ng mga maling impormasyon.
Tulad ng Probe, nananatiling sandata ang midya laban sa katiwalian, bitbit ang mithiing patatagin ang pundasyon ng demokrasya sa Inang Bayan. Bukod dito, nagsisilbing kalasag ang patuloy na paniningil ng taumbayan sa mga pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Walang humpay ang panawagan ng mga Pilipinong panagutin ang mga may sala, saan mang sulok ito ng bansa.
