#FOURtified: Green Archers, sinemento ang huling puwesto sa Final Four

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

MINARKAHAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang huling puwesto sa Final Four kontra sa kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 78–72, sa pagsasara ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 26.

Hinirang na Player of the Game si point guard Jacob Cortez matapos kumubra ng 20 puntos sukbit ang pitong rebound at tatlong assist.

Inakay naman ni Ateneo one-and-done Dominic Escobar ang langkay ng Blue Eagles nang maglista ng 18 puntos, kaakibat ang apat na rebound at tig-isang steal at assist.

Bumungad ang pagbira nina Blue Eagle Kymani Ladi at Green Archer Jcee Macalalag ng tres sa unang yugto ng salpukan, 9–10, na sinundan pa ng pagsalaksak ni DLSU forward Luis Pablo ng and-1, 18–15, bago niya supalpalin ang panablang tirada ni Escobar, 20–18.

Binuksan naman ni sophomore Rhyle Melencio ang ikalawang kuwarter sa bisa ng pagpukol mula sa labas ng arko, 25–22, na dinagdagan pa ng pagpapamalas ni Taft mainstay Vhoris Marasigan at Cortez ng koneksiyon sa paint, 37–35, bago tumubos ng tres si Blue Eagle Ian Espinosa sariwa mula sa timeout, 37–38.

Agad namang uminit sa ilalim ng ring si Ateneo big man Divine Adili nang magpakawala ng walong puntos at palawigin ang bentahe pabor sa mga taga-Loyola, 39–48, na ginatungan pa ng paglista ng dos ni Blue Eagle Jadem Lazo upang ibalandra ang pinakamalaki nilang kalamangan, 43–55, bago panipisin ni Marasigan ang bentahe ng bughaw na koponan, 56–60.

Pagbabahagi ni Cortez sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) hinggil sa naging mantra ng luntiang hanay sa kasagsagan ng ikatlong kuwarter, “We reached this day together no matter what and that was a good test earlier, the third quarter. Some of our players started getting into foul trouble, some got ejected. But, it’s all just challenges, and [it’s a] good thing that we stuck together during that and slowly, brought back the lead and got us the win.”

Pagdako sa huling yugto, nagsagutan ng tres sina Katipunan mainstay Jared Bahay at Cortez upang padagundungin ang The Big Dome, 63–all, na sinundan ng paglusot ng pamatay-sunog na tres ni Macalalag, 70–65, bago wakasan ni Kapitan Mike Phillips ang banggaan sa free-throw line, 78–72.

Sukbit ang huling tiket sa Final Four, sunod na makahaharap ng Taft-based squad ang top-seeded National University Bulldogs sa semifinals ng torneo sa parehong lunan sa ika-1:30 n.h., Disyembre 3.

Mga Iskor:

DLSU (78) – Cortez 20, Phillips 13, Marasigan 12, Pablo 9, Macalalag 8, Abadam 7, Melencio 5, Dungo 4, Quines 0, Amos 0.

Ateneo (72) – Escobar 18, Ladi 13, Adili 11, Bahay 11, Espina 10, Espinosa 4, Lazaro 3, Tuano 2, Lazo 0, Fjellvang 0, Bongo 0.

Quarterscores: 20–18, 37–38, 56–60, 78–72.