
Bago tuluyang maituring na ginintuan ang isang bagay, may ilang hakbang na kailangan munang suungin. Para sa isang platero, bahagi ng naturang proseso ang pagkiskis ng ginto sa isang buhay na bato upang matukoy ang wagas nitong halaga. Urian ang pangalan ng buhay na batong humahasa sa mineral—hinuhubog ang kislap, nilalantad ang kagintuan. Kaya para naman sa mga manunuri ng pelikula, narito ang Gawad Urian upang taon-taong tukuyin ang mga ginintuang pelikula ng bansa at parangalan ang mga kuwento nito.
Tampok sa 48th Gawad Urian Awards ang mga naratibong nagningning sa pangunguna ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) at Film Development Council of the Philippines (FDCP) na ginanap sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Oktubre 11. Katuwang din sa pagtatanghal ng prestihiyosong seremonya ang iba’t ibang departamento at opisina ng De La Salle University (DLSU), kabilang ang College of Liberal Arts (CLA), Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC), Strategic Communications Office (STRATCOM), at Culture and Arts Office – Green Media Group (CAO-GMG).
Sa mapangahas na mundo, itinataguyod ng pelikulang Pilipino ang mga naratibong sumisigaw para sa katarungan. Maging kuwento man itong nakaugat sa pag-ibig, pananampalataya, pamilya, o paniniil—tapang ang nagtutulak sa mga ito upang sumulong. Sa idinaos na seremonya, bumida sa pagkilala ng MPP at FDCP ang matatapang at masisining na naratibong isinalaysay gamit ang pelikula.
Ginintuang gantimpala
Iba ang lengguwaheng sinasambit ng pelikula. Mula sa munting panulat ng mga diyalogo at eksena, nagiging salamin ang mga pelikula sa mundong napupuno ng karahasan. Ngayon, layunin ng mga kuwentong itong maabot ang bawat sulok ng kapuluan—isang wikang umaalingawngaw, isang sigaw na nananabik mapakinggan. Natutunghayan ng mga manunuri sa bawat pelikulang inilalaban ng mga Pilipino ang apoy ng kanilang tinig. Sa paggawad ng prestihiyosong Urian, itinatanghal nila sa liwanag ang mga presensiyang matagal nang nasa dilim. Ito ang naging diwa ng pambungad na pananalita ni Dr. Shirley Lua, tagapangulo ng MPP at associate professor ng DLSU.
Itinanghal ang 14 na pelikula bilang kandidato ng MPP para sa ika-48 serye ng Gawad Urian—lahat may sinasabi, lahat may ipinaglalaban. Mula sa musika, sinematograpiya, hanggang sa pagganap—binigyang-pugay ang mga ito. Masusing sinukat ng mga manunuri ang kahusayan ng mga nominado at ginawaran ng gantimpala ang mga namukod-tangi sa lahat.
Hindi man nakaabot sa mismong seremonya ang nagwaging Pinakamahusay na Pangalawang Aktor na si Felipe Ganancial, tinanggap ng kaniyang anak ang gantimpala para sa kaniya. “Malaking karangalan po sa amin ang ginawang pelikulang Tumandok . . . Nagpapasalamat din ako sa lahat ng [gumawa] ng pelikula at [sumuporta] sa aming mga Aeta at sa mga ipinaglalaban namin. Kahit wala [rito] si Tatay, nakikita niya po na may award po siya. Proud po ako sa tatay ko,” sambit ng anak na si Cathy Ganancial sa gitna ng kaniyang pagluha. Patunay lamang ang posthumous na parangal kay Ganancial sa kahalagahan ng paglaan ng boses sa mga katutubong Pilipino.
Tahasan namang nanawagan sa harap ng entablado si ang batikang direktor na si JL Burgos sa kaniyang pagtanggap ng gantimpalang Pinakamahusay na Pelikula para sa “Alipato at Muog.” Bilang kapatid ng bidang desaparecido sa dokumentaryong ginawa, isang paghamon sa katahimikan at panawagan para sa pananagutan ang obra ni Burgos. Pagpapahayag niya, “Panahon na ngayon para kumilos. Aabutin kayo ng hustisya. Alam [kong] ang mga likha ng mga kasama ko ngayon, mga kapuwa ko nominado, ay may kaniya-kaniyang tapang. Pero hindi na lamang dapat sa sining ang tapang kundi sa kalsada, kung saan [naroon] ang totoong laban.”
Pasasalamat sa parangal
Tila nasa rurok pa ng kasiyahan mula sa natanggap na gantimpala, masiglang ibinahagi ni Kakki Teodoro sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang nadarama mula sa pagkapanalo. “Nakakabaliw! Nakaka-overwhelm! Overwhelmed with gratitude kasi ito ‘yung pinapangarap ko na akala ko hindi [na] mangyayari . . .” pagbulalas ng nagwaging Pinakamahusay na Pangalawang Aktres. Kinilala ang kaniyang kahusayan sa pagganap bilang Nimia sa musical drama na “Isang Himala.” Mula sa pagiging alagad ng teatro hanggang sa pagtapak sa mundo ng pelikula, marka ang Gawad Urian ng tagumpay ni Teodoro sa industriya ng sining.
Nakapanayam din ng APP ang two-time Gawad Urian nominee na si Gabby Padilla. Wika niyang isang malaking pagkapanalo na ang pagiging nominado para sa Pinakamahusay na Aktres sa ginintuang pagpaparangal. Nakangiting inilahad din ni Padilla ang taos-pusong pasasalamat sa pagkilalang kaniyang natanggap para sa pelikulang “Kono Basho.” Dagdag pa niya, “It’s also not lost on me that the reason that I get to do this is because of all the people who took a chance on me. So I’m just filled with gratitude and I’m so happy for all the winners as well.” Matatandaang naging nominado rin si Padilla noong nakaraang taon para sa Cinemalaya 2023 entry na “Gitling” sa parehong kategorya.
Para sa direktor at editor ng dokumentaryong “Alipato at Muog,” iniaalay ni Burgos ang kaniyang mga natanggap na parangal sa mga pinatahimik noon at patuloy na pinatatahimik sa kasalukuyan. Hangad ni Burgos sa mga manonood ang tapang upang manindigan sa tabi ng mga sinisiil. Sa pagkapanalo ng prestihiyosong gantimpala, diniin niyang higit pa sa pagkilala sa pelikula ang kaniyang natanggap. Pagbabahagi niya, “Ang parangal na ito ay pagkilala sa kuwento ng mga desaparecidos. Kaya hindi lang siya parangal sa aming pelikula, kundi parangal sa struggle ng mga aktibista, ng mga dinukot, at ‘yung mga lumalaban para sa [katarungan] din.”
Nagniningning na sining
Sa pagtatapos ng seremonya, nagsama-sama sa entablado ang mga naging bantayog ng tagumpay sa pelikulang Pilipino. Sa pagtanggap ni Burgos ng huling parangal para sa naturang gabi, nanindigan din ang mga aktor, aktres, direktor, prodyuser, manunulat, at iba pang kasapi ng industriya. Sabay-sabay nilang itinaas ang kamao bilang sagisag ng tapang na isinasabuhay sa kanilang sining.
Isang makapangyarihang midyum ang pelikula. Mula pa man noon, nagsisilbi na itong kanlungan para sa pagbabahagi ng mga kuwentong nangangailangan ng bagsik na hindi pangkaraniwan, tapang na nagbabaga, at tiwalang hindi nauupos. Gaya ng pagsiklab ng liwanag sa tabing ng sinehan, patuloy na ipinaglalaban ng mga artista ng bayan ang kanilang adhikain. Sapagkat hindi nagtatapos ang tunay na laban sa sining; nananahan ito sa lansangan at umuugong sa tinig ng masang naghihinaing.
Narito ang kompletong listahan ng mga pinarangalan:
Pinakamahusay na Tunog – Jannina Mikaela Minglanilla at Michaela Docena, “The Hearing”
Pinakamahusay na Musika – Paulo Almaden at The Ati People of Kabarangkalan and Nagpana, “Tumandok”
Pinakamahusay na Editing – JL Burgos, “Alipato at Muog”
Pinakamahusay na Disenyong Pamproduksiyon – Marxie Maolen Fadul, “Green Bones”
Pinakamahusay na Sinematograpiya – Dan Villegas, “Kono Basho”
Pinakamahusay na Maikling Pelikula – Bisan Abo, Wala Bilin (Even Ashes, Nothing Remains)
Pinakamahusay na Dokumentaryo – Alipato at Muog
Pinakamahusay na Dulang Pampelikula – Arden Rod Condez at Arlie Sweet Sumagaysay, “Tumandok”
Pinakamahusay na Direksiyon – Arlie Sweet Sumagaysay at Richard Jeroui Salvadico, “Tumandok”
Pinakamahusay na Pangalawang Aktres – Kakki Teodoro, “Isang Himala”
Pinakamahusay na Pangalawang Aktor – Felipe Ganancial, “Tumandok”
Pinakamahusay na Aktres – Arisa Nakano, “Kono Basho”
Pinakamahusay na Aktor – Dennis Trillo, “Green Bones”
Pinakamahusay na Pelikula – Alipato at Muog
Natatanging Gawad Urian – Dante Rivero
