
KUMARIPAS ang De La Salle University (DLSU) Lady at Green Tracksters sa ikatlo at ikawalong puwesto sa pagtatapos ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Collegiate Athletics Tournament sa New Clark City Athletics Stadium nitong Nobyembre 10.
Tanglaw ng tagumpay
Pinangunahan ni Abcd Agamanos ang kampanya ng Lady Tracksters nang ibulsa niya ang dalawang gintong medalya matapos kumana ng 12.41m sa women’s triple jump (TJ) at 4,432 puntos sa women’s heptathlon (Hep). Nag-uwi rin siya ng tansong medalya sa 100m hurdles (mH) at long jump (LJ).
Nagpamalas naman ng angking bilis si Taft mainstay Lea Ordinario tangan ang 56.65 segundo sa women’s 400m na naghandog sa kaniya ng ginto.
Binasag naman nina Lady Trackster Agmanos, Hannah Delotavo, Trexie Dela Torre, at Erica Ruto ang dating UAAP record sa 4x100m relay matapos maglista ng panibagong record na 46.73 segundo upang selyuhan ang makislap na ginto.
Umarangkada rin para sa isa pang gintong medalya sina Taft-based tracksters Ruto, Delotavo, Ashley Tabad at Ordinario sa 4x400m relay tangan ang 3:53.1 oras.
Samantala, sumikwat si Rea Rafanan ng dalawang pilak na medalya nang magtala ng 12.06m distansya sa TJ at 4,175 puntos sa Hep. Kaakibat nito ang dalawa pang pilak na medalya ni Delotavo sa 200m at 400m relay, at isang tansong medalya sa LJ.
Nag-alab ang dilaab ng Lady Tracksters at tumungtong sa ikatlong puwesto ng torneo tangan ang kabuoang 217.75 puntos sukbit ang limang gintong medalya, apat na pilak, at tatlong tanso. Hinirang naman na kampeon ang Far Eastern University (FEU) Women’s Athletics Team habang pumangalawa naman ang University of Santo Tomas Female Tracksters.
Liwanag sa dilim
Kinapos man para sa podium finish, nagningning pa rin si Green Trackster Joshua Patorara sa LJ matapos magsumite ng panibagong record sa kasaysayan ng UAAP na 7.44m na nagbigay sa kaniya ng gintong medalya, at pilak na medalya sa 15.11m distansiya sa TJ.
Samantala, nag-uwi naman ng tansong medalya para sa Taft si Neilmar Medrocillo matapos pumukol ng 58.07m sa javelin throw.
Bumulagta man sa panghuling puwesto bitbit ang kabuoang 52.25 puntos, nag-uwi ng tig-isang ginto, pilak, at tansong medalya ang Green Tracksters. Samantala, napasakamay ng National University Men’s Athletics Team ang gintong medalya, habang siniil ng FEU Men’s Athletics Team ang pilak na pilak na gantimpala, at tanso para sa University of the Philippines Men’s Athletics Varsity Team.
