
INIAHON ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Tankers ang ikalawa at ikatlong gantimpala sa nagtapos na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Collegiate Swimming Tournament sa New Clark City Aquatics Center nitong Nobyembre 9.
Pagsisid sa parehong titulo
Sa pagbubukas ng torneo, agarang kumaripas sa tubig si 33rd Southeast Asian Games qualifier Alexander Chu matapos ibulsa ang unang gintong medalya ng Taft mainstays sa men’s 800m freestyle. Humantong naman sa ikalawa at ikatlong puwesto sina Green Tanker Peter Dean at Ted Laminta sa 200m individual medley.
Samantala, nagtala ng bagong UAAP record sina Chu, Dean, Reiniel Lagman, at Bryce Barraza matapos dominahin ang 4x200m freestyle relay sa oras na 7:58.75.
Pagsapit ng ikalawang araw, napasakamay nina Chu at Lagman ang pilak at tansong medalya sa 400m freestyle. Humimpil naman sa una at ikatlong puwesto sina Dean at Carl Libarnes sa 200m backstroke, habang pumoste naman sina Laminta, Lagman, Jaren Tan, at Kenzzie Dumanglas sa ikalawang puwesto sa 4x100m freestyle relay.
Sa ikatlong araw, umukit ng panibagong UAAP record si Chu sa oras na 16:32.85 sa 1500m freestyle, habang pumangatlo si Lagman. Nasungkit din nina Dean at Stef Ramos ang ikalawa at ikatlong gantimpala sa 100m backstroke. Gayundin, tumindig si Dean sa ikalawang puwesto sa 400m individual medley.
Pagdako sa huling araw, nabingwit ni Ramos ang ikalawang puwesto sa 50m backstroke. Samantala, naabot nina Dean, Laminta, Barraza, at Nathan Mangulabnan ang ikatlong puwesto sa 4x100m medley relay upang tuldukan ang kampanya ng Green Tankers sa naturang torneo.
Napasakamay ng Green Tankers ang ikalawang puwesto matapos lumikom ng kabuoang 294 na puntos, sukbit ang apat na ginto, anim na pilak at tansong medalya. Hinirang namang 10-peat champions ang Ateneo de Manila University Men’s Swimming Team, habang ikatlong puwesto naman ang naiuwi ng University of Santo Tomas Male Tigersharks.
Alon ng tagumpay
Sa unang araw ng kompetisyon, nasungkit ni Season 87 Rookie of the Year Mikaela Talosig ang unang gintong medalya ng Lady Tankers sa 800m freestyle. Napitas din ni Janelle Chua ang ikatlong gantimpala sa 100m freestyle.
Samantala, humimpil sa ikalawang puwesto sina Chua, Ashley Wong, Shayne Lugay, at Milcah Mina sa 4x50m medley relay, at sina Samantha Banas, Dianna Cruz, Bella Alcazar, at Hannah Sanchez sa 4x200m freestyle relay.
Sa pagpapatuloy ng kompetisyon, muling nagpakitang-gilas si Talosig matapos masungkit ang ikalawang puwesto sa 400m freestyle. Sinikwat din ni Alcazar ang pilak na medalya sa 100m butterfly. Gayundin, inangkin nina Bañas, Wong, Chua, at Sanchez ang ikalawang puwesto sa 4x100m freestyle relay.
Sa ikatlong araw ng torneo, patuloy na ipinamalas ng Lady Tankers ang kanilang sigasig matapos masungkit ni Talosig at Chua ang ikalawa at ikatlong puwesto sa 200m freestyle. Nagwagi rin ng tanso si Alcazar sa 50m butterfly at si Lugay sa 100m backstroke, habang nagtapos sa ikatlong puwesto sina Wong, Lugay, Sanchez, at Mina sa 4x50m freestyle relay.
Pagtungtong sa huling araw, nasungkit ni Mina ang tansong medalya sa 200m breaststroke. Nagtapos naman sina Lugay, Mina, Alcazar, at Chua sa ikalawang puwesto sa 4x100m medley relay, na nagsilbing marangal na pagtatapos sa kampanya ng koponan.
Inangkin ng Lady Tankers ang ikatlong puwesto matapos makamtan ang kabuoang 222 puntos, kaakibat ang isang ginto, pitong pilak, at anim na tansong medalya. Itinanghal namang kampeon ang University of the Philippines Women’s Varsity Swimming Team, habang ikalawang puwesto naman ang naselyuhan ng Ateneo Women’s Swimming Team.
