OF budget ng USG para sa akademikong taon 2025–2026 at pag-enmiyenda sa Ombudsman Act, isinapinal sa ikawalong regular na sesyon ng LA

INAPRUBAHAN sa ikawalong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang Php276,000 Operational Fund (OF) budget ng University Student Government (USG) para sa akademikong taon 2025–2026 nitong Nobyembre 5. 

Nirepaso rin ng LA ang Ombudsman Act of 2021 upang linawin ang patakaran at proseso sa ilalim ng naturang batas.  Hinirang din sa sesyon si Tristan John Hedrich Mandrique bilang cabinet secretary ng USG Department of Student Welfare. 

Puhunan ng USG
Pinangunahan ni BLAZE2026 Karl Cedric de Castro ang paglalahad sa naging proseso sa pagbuo ng OF budget ng USG sa kabila ng hindi pagdalo ni USG Executive Treasurer Jeian Ruiz Nicol. Nilinaw ni De Castro na naantala ang pag-apruba sa badyet bunsod ng kakulangan sa pakikipag-ugnayan ng ilang opisyal ng USG.

Tinalakay rin niya ang alokasyon ng naturang badyet sa iba’t ibang departamento at tanggapan ng USG. “These were allocated by the [executive] treasurer based on consultations with the unit heads and the amounts they requested that they would need for their various operations throughout the year,” ani de Castro.

Nakalaan ang 45% o Php124,200 ng kabuoang badyet sa executive board (EB) ng USG. Gayundin, may 40% o Php110,400 namang magagamit ang mga college unit habang nakasaalang-alang naman ang natitirang 15% o Php41,400 para sa mga independiyenteng opisina, komisyon, at yunit sa iba pang sangay ng USG.

Humingi naman ng kalinawan si EXCEL2026 Aleia Silvestre hinggil sa naging alokasyon para sa Laguna Campus Student Government (LCSG). Tiniyak ni Chief Legislator Ken Cayanan na naging mabusisi ang pagbabahagi ng badyet sa LCSG. “The main challenge of the {LCSG) really right now and us, the USG, is nagkaroon tayo ng transition from the old constitution to the new,” banggit niya.

Gayunpman, tiniyak ni Cayanan na nabigyan ng sapat na badyet ang LCSG matapos makipag-ugnayan ng USG kay LCSG Campus President Lawrence Arroyo at LCSG Campus Treasurer Vin Yap. Dagdag pa ni Silvestre, may iba pang pinagkukuhanang pondo ang LCSG bukod sa nilaang Php7,000 mula sa USG. 

Pinaigting na Ombudsman

Isinalaysay ni EXCEL2027 Katherine Lui ang pagpapalawig sa terminolohiyang nakasaad sa batas, paglilinaw sa proseso ng imbestigasyon, pagsasaayos ng mga hurisdiksiyon, at awtonomiya sa pananalapi ng Ombudsman.

Ipinagbabawal ding bawasan ang badyet ng Tanggapan ng Ombudsman, ngunit pinahihintulutan ito sa oras na aprubahan ito ng Ombudsman. Awtomatiko at regular na ilalabas ang badyet pagkatapos ng pag-apruba rito.

Nakasaad sa bagong batas ang pagbabawal sa pagbawas ng nakalaang badyet sa Ombudsman. Binigyang-diin din ang responsibilidad ng lahat ng posisyon na bumubuo sa tanggapan na maging maagap sa mga reklamong natatanggap laban sa mga opisyal ng USG.

Inusisa naman ni Cayanan ang pagpapaintindi ng mga komplikadong termino ng batas sa mga Lasalyano. Tinugunan ito ni Overall Deputy Ombudsman Andrei Alviar sa pagkasa ng proyektong Integrity Caravan na layong palakasin ang partisipasyon at kamalayan ng mga estudyante sa hudikatura para sa pagpapaigting laban sa katiwalian sa loob ng USG.

Pinahihintulutan ding magkaroon ng akses ang Ombudsman at ang mga deputy nito sa anumang opisyal na mga programa ng USG upang matiyak na naaayon ang mga ito sa batas. Tinukoy rin niyang labag sa batas ang pagtanggi at pagbawal ng USG sa Ombudsman na suriin ang mga naturang aktibidad.

Pinagkalooban din ang Ombudsman ng kapangyarihang magpataw ng subpoena sa mga opisyal ng USG upang tiyakin ang pagsunod ng mga sangkot sa mga maaaring maganap na anomalya at pansamantalang suspendihin ang mga ito bilang preventive measure.

Nilinaw rin ni Alviar ang kaniyang inirekomendang espesyal na kapangyarihan ng Ombudsman na hindi tahasang nakasaad sa Omnibus Constitution Mandate. “In the national context, the Ombudsman has the special power to discharge its mandate to recommend to the legislative body laws that might be unfair or laws that might not fulfill its role in dispensing justice,” pagpapalalim niya.

Nililimitahan din ng bagong batas ang mga miyembro ng Ombudsman na maging bahagi ng EB ng mga organisasyon sa Council of Student Organizations. Ninanais ng probisyong ito na maging buo ang paglilingkod at epektibong maisakatuparan ng mga miyembro ng tanggapan ang kanilang konstitusyonal na responsibilidad. 

Gayundin, siniguro ni Law Commissioner Basti Araneta na maaari naman silang kumuha ng mas mababang posisyon sa ibang mga organisasyon.

Ibinahagi naman ni Cayanan ang nagaganap na burukrasiya sa Ombudsman ng bansa alinsunod sa pagkakaroon ng independiyenteng komisyon upang imbestigahan ang  kontrobersiyal na flood control projects. Hiningi ni Cayanan ang kanilang saloobin sa naturang burukasiyang ipinatutupad ng kasalukuyang hukuman ng bansa.

Tinutulan ni Alviar ang labis na burukrasya sa loob ng Ombudsman ng bansa. Binatikos din niya ang hindi pagsasapubliko ng mga hearing ng Independent Commission for Infrastructure. 

Bunsod nito, iginiit niyang paiigtingin niya ang transparency sa ilalim ng kaniyang pamamahala. “That is also what I do with the Office of the Ombudsman. That entry, investigation, [and] every inspection is given notice publicly. Wala kaming tinatago,” diin niya.

Sinuportahan naman ito ni Araneta at nanindigang hindi na kinakailangan ang pagiging burukratiko sa USG dahil pawang mas simple at maliit ang sakop ng pamamahala nila sa pamayanang Lasalyano.

Bagong kalihim sa Gabinete 

Itinampok ni Mandrique ang pagsasagawa ng isang sistema para sa pinakabagong serbisyong dihital ng De La Salle University (DLSU) na Archers Hub. Matatandaang inilunsad ito ng DLSU bilang bagong pasilidad para sa online admission ng Pamantasan upang padaliin ang proseso ng aplikasyon ng mga estudyante.

Ninanais ng sistema ni Mandrique na padaliin at gawing episyente ang pag-akses ng mga Lasalyano sa naturang website. Isasailalim pa ang sistemang ito sa pilot testing upang makakalap ng sapat na datos sa paglulunsad nito.

Isusulong din ni Mandrique ang pagkakaroon ng Lasallian Kits na naglalaman ng lahat ng mahahalagang impormasyon at mga proseso sa DLSU na kinakailangan ng mga Lasalyano. Inilahad niyang magiging katuwang ng naturang departamento ang USG Office of the Vice President for Internal Affairs.

Paiigtingin din niya ang inilulunsad na constituency checks upang epektibong maipaabot ang mga mungkahi ng USG sa administrasyon ng DLSU tulad ng pagsuspende ng mga klase.

Ipinahayag ni CATCH2T28 Batch Legislator Naomi Reyes ang kaniyang katanungan hinggil sa constituency checks, partikular na sa kaibahan nito mula sa kasalukuyang sistema na ipinatutupad ng USG.

Binusisi naman ni CATCH2T28 Reyes ang kaibahan ng constituency checks ni Mandrique sa kasalukuyang sistemang ipinatutupad ng USG. 

“Marami tayong constituency checks, there’s always data. Pero kasi ‘yung proposals natin talaga, hindi siya naa-approve. . . So right now, [trial] and error tayo, for that, para malaman talaga natin anong approach ‘yung gusto ng [administrasyon],” wika ni Mandrique. 

Itinalaga si Mandrique ng LA bilang cabinet secretary ng Department of Student Welfare sa nagkakaisang botong 8 for, 0 against, at 0 abstain.