
NATISOD ang kampo ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 83–84, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum nitong Linggo, Nobyembre 16.
Pinangunahan ni shooting guard Earl Abadam ang kampanya ng DLSU matapos kumana ng 18 puntos at tigtatlong rebound at assist.
Samantala, kinilala naman bilang Player of the Game si FEU guard Janrey Pasaol nang magtala ng 17 puntos at pitong assist.
Malinis na tres ang pinakawalan ni Abadam upang makalamang sa simula ng unang kuwarter, 15–12, ngunit agad itong sinabat ni Pasaol matapos ang isang layup shot, 15–14, bago tuluyang isalansan ni JC Macalalag ang tira mula sa loob ng arko sa pagtatapos ng unang yugto, 19–17.
Pagdako ng ikalawang kuwarter, binalagbag ni DLSU power forward Bright Nwanko ang ring nang magpakawala ng isang dunk kill, 27–26, na siyang sinagot ni Niel Owens ng isang downtown shot, 27–29, bago ito sinundan ng two-point shot ni Taft mainstay Rhyle Melencio, 36–46.
Nagawang maipako ng Taft-based squad ang mga taga-Morayta sa 46 na puntos pagtungtong ng ikatlong yugto matapos magpakawala ng 7–0 run ang tambalang Macalalag at Mike Phillips, 43–46, ngunit tuluyang minanipula ni Pasaol ang opensa ng Tamaraws nang tumantos ng magkakasunod na marka, 54–61.
Pagtapak ng huling kuwarter, tuluyang namayani ang sigaw at hiyawan sa panig ng Morayta mainstays matapos mahagilap ni Kirby Mongcopa si Pasaol na siyang bumatbat ng isang mabilis na layup, 83–84, sapat upang maagaw ang laban mula sa naghikahos na Green Archers.
Bitbit ang 6-5 panalo-talo kartada, muling pagtitibayin ng Taft-based squad ang kanilang arsenal upang muling makatikim ng panalo kontra Adamson University Soaring Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-1:30 n.h. bukas, Nobyembre 19.
Mga Iskor:
DLSU (83) – Abadam 18, Macalalag 14, Phillips 14, Pablo 11, Cortez 10, Nwankwo 4, Gollena 4, Dungo 4, Quines 2, Melencio 2.
FEU (84) – Pasaol 17, Konateh 14, Bautista 12, Mongcopa 10, Daa 10, Felipe 9, Montemayor 7, Owens 5, Ona 0, Jones 0.
Quarterscores: 19–16, 36–46, 64–67, 83–84.
