
NAPAKO ang mga yapak ng De La Salle University (DLSU) Lady Booters kontra University of Santo Tomas (UST) Lady Booters, 0–1, sa kanilang huling paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Field kagabi, Nobyembre 8.
Mainit ang naging simula ng sagupaan matapos paigtingin ni España mainstay Nikah Asilo ang tensiyon sa depensa ng Taft-based squad, ngunit mabilis itong hinarang ni DLSU Lady Booter Elisha Lubiano upang pigilan ang tuluyang pag-arangkada ng mga tigre.
Sa pagsapit ng ika-36 na minuto ng salpukan, hindi na nagpatinag si Asilo sa tikas ng mga taga-Taft at matagumpay na naisalpak ang unang goal para sa dilaw na kampo, 0–1.
Sinikap pang itabla ng DLSU Lady Booters ang laban, ngunit mas pinatibay ni UST goalkeeper Christine Orion ang kanilang depensa, upang mapanatiling walang iskor ang Taft-based squad hanggang sa huling minuto ng bakbakan.
Tangan ang 4-4 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng elimination round, muling kahaharapin ng DLSU Lady Booters sa pinal na yugto ang defending champions Far Eastern University Women’s Football Team.
