
MAALAB NA WINAKASAN ng Youth in Action: Lasallians Leading for Climate Justice ang isang buwang paggunita ng Lasallian East Asia District (LEAD) for Peace 2025 tangan ang temang “Connected for Peace, Committed to Creation” kasama ang mga Lasalyanong nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa nitong Oktubre 25.
Layon ng selebrasyong hikayatin ang mga Lasalyanong isulong ang United Nations Sustainable Development Goals at ang patuloy na pangangalaga sa kalikasan. Isinulong ng LEAD ang mga napapanahong paksa ukol sa nagbabago-bagong klima at katarungang pangkalikasan sa mga isinagawa nitong webinar mula Setyembre 21 hanggang Oktubre 25.
Halaga ng kalikasan
Ibinahagi ni Br. Jose Mari Jimenez FSC, brother visitor ng LEAD, ang konsepto ng watershed bilang halimbawa ng kahalagahan ng integral na ekolohiya. Isinaad niyang isang malawak na sistemang patuloy na nakaaapekto sa bawat indibidwal ang koneksiyon ng urban, upland, at coastal areas.
Inilarawan ni Jimenez ang impluwensiya ng bawat lugar sa buhay ng mga tao sa gabay ng integral na ekolohiya. Tinukoy niya rin ang pakikipag-ugnayan ng LEAD sa iba pang bansa tulad ng Japan, Hong Kong, Thailand, Myanmar, Malaysia, at Singapore.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahang maunawaan na saklaw ng isyung pangkalikasan ang aspektong kultural at panlipunan dahil kaakibat nito ang responsibilidad ng bawat indibidwal na pangalagaan ang mga likas-yaman ng bawat bansa. “‘Everything is throwable’ [is] something [that] needs to be changed through proper education,” pagpapaliwanag niya sa kulturang throw-away.
Paalala ni Jimenez na kinakailangang bigyang-halaga ang pangangalaga ng kalikasang nagsisilbing tahanan hindi lamang ng henerasyong ito pati na rin ng hinaharap.
Tungkuling Lasalyano
Ibinida ng mga Lasalyano ang kanilang mga isinagawang proyekto at aksiyong pangkalikasan upang itaguyod ang katarungang pangklima.
Itinampok ni Greenergy President Kirsten Manenilla mula sa De La Salle – College of Saint Benilde ang Greenergy’s Sustainable Bazaar upang bigyang-suporta ang mga eco-friendly business sa pagpapaigting ng mga likas-kayang kasanayan at panghihikayat sa mga Benildyanong tangkilikin ang mga makakalikasang produkto.
Kabilang sa mga negosyong lumahok sa naturang bazaar ang Deo Drop, Good Habit, Krumbles, Nextile PH, On Duty, at Fluffy Puppy. “They [Benildeans] were able to learn about the alternatives that are less harmful to the environment, and to the beneficiaries. . . They gained exposure and new customers, they received opportunities to boost their growth, and overall strengthen their network as entrepreneurs,” saad ni Manenilla.
Tinalakay naman ni Edith Kang mula sa St. Joseph’s Institution International School (SJIIS) Malaysia ang proyektong The Green Project: Let’s Get Recycling. Layunin ng kampanyang itong matutuhan ng mga estudyante ang kahalagahan ng recycling.
Ibinahagi ni Kang na nagsimula ang proyekto mula sa kaniyang mga aral na natutuhan sa agham ukol sa nakababahalang datos hinggil sa produksyon ng aluminum at ang epekto ng nanoplastics sa kalusugan ng mga hayop sa karagatan at sa tao. Bunsod nito, nahikayat siyang paigtingin ang adbokasiya ng recycling sa kanilang paaralan.
“We began to see more and more students caring for the environment and becoming true and responsible leaders and it felt really amazing to know that our small project could make a difference,” nagagalak na bahagi ni Kang.
Inilahad din ni Caitlyn Chow, dating estudyante ng SJIIS, ang inisyatibang Monkey Sea, Monkey Do na isinagawa para sa Zotung Refugee Centre. Gumamit sila ng 3-in-1 recycling machine upang ituro sa mga batang refugee ang pagiging praktikal habang nananatiling masaya at interaktibong isinusulong ang Science, Technology, Engineering, Math-based activities.
Nilalayon ng grupo ni Chow na pataasin ang kamalayan ng kabataan para sa pangangalaga ng kalikasan at maipakita sa kanila ang maliliit na hakbang na maaari nilang gawin upang magkaroon ng positibong epekto sa kapaligiran.
“Today, the Sea Monkey Project has built over 200 [3-in-1 recycling] machines and sent them to over 26 countries around the world,” dagdag ni Chow.
Ipinamalas ng mga Lasalyano sa pagtatapos ng isang buwang pagdiriwang ng LEAD for Peace ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga inisyatibang nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at pagbawas ng polusyon sa mundo.
