
KUMALAS ang mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa hagupit ng defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, 67–97, sa kanilang ikalawang tagisan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kahapon, Nobyembre 2.
Sa kabila ng pagkadapa, nagningning para sa Lady Archers si Kyla Go matapos pumorma ng 21 puntos, apat na rebound, at isang steal.
Itinanghal namang Player of the Game si Lady Bulldog Ann Pingol nang makalikom ng triple-double galing sa 12 puntos, 11 rebound, 11 assist, at anim na steal.
Humataw ng dalawang foul si Lady Archer Kyla Go upang panipisin ang umaangat na kalamangan ng Lady Bulldogs, 5–10, ngunit nagpatuloy ang pagbangga ng NU sa luntiang koponan bunsod ng tres ni Aloha Betanio sa dulo ng unang yugto, 15–17.
Bumanat ang DLSU ng momentum run sa tulong ng quick-cutting two ni Tricia Mendoza at pasa niya kay Paulina Anastacio upang habulin ang Lady Bulldogs, 23–25, subalit binatikos ito ng NU sa pangunguna ng mga tres at playmaking nina Betanio at Kristine Cayabyab, 36–50.
Tinangka ng Taft mainstays na pagalingin ang namamagang bentahe ng Jhocson-based squad sa paghahanap ng opening ni Go sa basket at matagumpay na paglagda ng and-1, 43–66, subalit hindi pa rin natigil ang nagmamanas na pangangagat ng NU sa pagtatapos ng ikatlong kuwarter, 55–76.
Nagpatuloy ang pagsalba nina Lady Archer Go at Kyla Sunga sa pinsalang dala ng defending champions sa huling sampung minuto ng salpukan, ngunit tuluyang naparalisa ang DLSU sa nagngagalit na kulo ng Lady Bulldogs, 67–97.
Sukbit ang 4-6 panalo-talo kartada, susubukang makabawi ng Lady Archers kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles sa Smart Araneta Coliseum sa ika-7:00 n.g. sa Linggo, Nobyembre 9.
Mga Iskor:
DLSU (67) – Go 21, Sunga 10, Anastacio 10, Mendoza 6, A. Dizon 6, S. Dizon 5, Villapando 3, Lubrico 2, Camba 2, Araza 2, Reyes 0, Catalan 0, Dela Paz 0, Villarin 0.
NU (97) – Cayabyab 20, Betanio 18, Pingol 12, Surada 11, D. Medina 11, Villanueva 10, Solis 7, Garcia 6, Alterado 2, Pring 0, Ico 0.
Quarterscores: 15–17, 36–50, 55–76, 67–97.
