
NAUNSIYAMI ang pagsalakay ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa National University (NU) Bulldogs, 67–75, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kahapon, Nobyembre 2.
Pinangunahan ni point guard Jacob Cortez ang mga taga-Taft matapos magrehistro ng 16 na puntos, apat na rebound, at tatlong assist.
Umagapay rin sa kaniya si DLSU shooting guard Earl Abadam nang tumikada ng 13 marka, tatlong rebound, at tig-isang assist at steal.
Hinirang namang Player of the Game si Omar John matapos magtala ng 12 puntos, walong rebound, tatlong block, dalawang assist, at dalawang steal.
Agad na napakasakamay sa Green Archers ang momentum sa pagbulusok ng unang yugto kaakibat ng tirada ni Cortez sa labas at ni center Luis Pablo sa loob sa 4:37 marka, 15–12, na sinubukang basagin ni Mark Parks gamit ang tres, 23–22, ngunit nagawa itong neutralisahin ni Mike Phillips matapos umukit ng buzzer-beater three-point field goal, 26–22.
Nagpundar naman ang mga taga-Jhocson ng 10-3 run sa pagsalubong sa ikalawang yugto sa bisa ng pagkamada ni Reinhard Jumamoy sa labas ng arko upang sulutin ang bentahe, 29–32, na ginatungan pa ni Nash Enriquez ng tres pagdako ng 5:28 ng orasan, 31–35.
Nabawasan ng bala ang Taft mainstays nang mapatawan ng disqualifying unsportsmanlike foul si Vhoris Marasigan sa 4:52 marka, na sinubukang tapalan ni Green Archer Cortez ng spin move upang umukit ng driving layup kaakibat ng foul, 34–38, ngunit hindi naapula ang liyab ng kamay ni Jhocson mainstay Jake Figueroa matapos wakasan ang first half gamit ang floater, 38–50.
Masiglang sinalubong ni Earl Abadam ang second half nang magpasiklab ng tres, 41–50, na pinaigting pa ni shooting guard JC Macalalag ng steal at driving layup sa 6:53 marka, 43–52, ngunit pinalobo ni Kenshin Padrones ang bentahe ng Bulldogs buhat ng and-1, 51–61, bago kumamada sina DLSU rookie Lebron Daep at Phillips sa free-throw line, 54–61.
Bumuwelta ng limang puntos ang scoring trio nina Abadam, Cortez, at Phillips sa panimula ng huling yugto, 59–63, ngunit pansamantalang naparalisa ang luntiang koponan sa ipinukol na tres ni NU shooting guard Paul Francisco, 59–67.
Nagsilbing tanglaw para sa DLSU si Macalalag nang magpasiklab ng floater sa 4:26 na marka, 61–67, na pinaningas pa ni Cortez gamit ang layup, 66–72, ngunit bumandera ang Bulldogs sa loob at sa free-throw line upang selyuhan ang tapatan, 67–75.
“This is just a minor setback for a major comeback. . . Ang promise lang namin siguro is we’re gonna get better and we’re gonna learn from this game together as a team,” kalmadong sambit ng beteranong si EJ Gollena sa Ang Pahayagang Plaridel sa magiging mantra ng Green Archers upang muling pintahan ng Berde at Puti ang kort sa kanilang nalalabing mga bakbakan.
Tangan ang 6-4 panalo-talo baraha, tatangkaing tahaking muli ng Taft-based squad ang landas ng tagumpay kontra karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa Smart Araneta Coliseum sa ika-4:30 n.h. sa Linggo, Nobyembre 9.
Mga Iskor:
DLSU (67) – Cortez 16, Abadam 14, Phillips 11, Pablo 10, Macalalag 5, Daep 4, Dungo 4, Gollena 2, Marasigan 2, Nwankwo 0, Quines 0.
NU (75) – Enriquez 16, Francisco 14, John 12, Parks 7, Figueroa 5, Garcia 5, Manansala 4, Padrones 4, Palacielo 3, Jumamoy 3, Dela Cruz 2, Tulabut 0.
Quarterscores: 26–22, 42–50, 54–61, 67–75.
