TAFT TWO: Green Archers, nanaig kontra Red Warriors

Kuha ni Jean Carla Villano

NANGIBABAW ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra University of the East (UE) Red Warriors, 84–72, sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 29.

Itinanghal na Player of the Game si DLSU power forward Luis Pablo matapos magpasiklab ng 16 na puntos, pitong rebound, at dalawang assist.

Sumaklolo rin si Kapitan Mike Phillips bitbit ang double-double output na 14 na puntos at 12 rebound. 

Inakay naman ni Team Captain John Abate ang opensa sa UE tangan ang 20 puntos at pitong rebound.

Binuksan ni Green Archer JC Macalalag ang unang kuwarter sa bisa ng jump shot mula sa assist ni Phillips, 2–0, gayunpaman, nagpamalas ng matikas na long-range shot si UE center Precious Momowei upang itabla ang talaan, 14–all, ngunit nanaig ang presensiya ng Taft-based squad matapos isarado ni co-captain Earl Abadam ang yugto sa nag-aalab na tres, 24–19.

Sinalansan ni guard Jacob Cortez ang isang mid-range jumper upang kubrahin ang bentahe para sa DLSU sa ikalawang kuwarter, 33–28, na sinubukan pang itanla ni Abate, 36–32, subalit mas nagningning ang luntiang koponan nang ikasa ni Phillips ang kaniyang ikaapat na dunk sa naturang yugto, 43–36.

Dinomina ni small forward Andrei Dungo ang ikatlong kuwarter matapos bumomba ng magkasunod na tres, 55–43, na tinangkang sagutin ng tambalang Abate at Momowei, 56–44, at inagapayan pa ng tres ni Red Warrior Jack Cruz-Dumont sa huling minuto ng sagupaan upang tapyasin ang kalamangan ng Taft mainstays, 59–50. 

Sinubukang humabol ng pulang koponan matapos magsalpak ng tres sina Cruz-Dumont at Momowei, 65–53, ngunit mas nangibabaw ang Taft-based squad matapos magpasiklab ng magkasunod na tirada sina Pablo, 69–53, na tuluyang tinapos ng 2/2 free throw ni Vhoris Marasigan, 84–72.

Binigyang-diin ni Coach Topex Robinson sa isinagawang post-game interview na nakasentro ang programa ng Green Archers sa patuloy na pagsulong ng mga manlalaro. “We don’t look at the competition we’re at. We have our own ways, and we just focus on what we have control of—and that’s our improvement,” ani Robinson.

Iginiit din ng tagapagsanay ang kahalagahan ng disiplina at internal development bilang pundasyon ng kanilang kampanya.

Tangan ang 6-3 panalo-talo kartada, umusbong sa ikalawang puwesto ng rankings ang Green Archers na susubukan pa nilang iangat kontra top-seeded National University Bulldogs sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h. sa Linggo, Nobyembre 2.

Mga Iskor:

DLSU (84) – Pablo 16, Phillips 14, Cortez 12, Dungo 9, Macalalag 8, Gollena 8, Marasigan 6, Abadam 4, Gomez 3, Daep 2, Quines 2, Nwankwo 0, Dagdag 0, Melencio 0.

UE (72) – Abate 20, Momowei 20, Cruz-Dumont 8, Robles 7, Despi 6, Caoile 4, Lagat 3, Datumalim 2, Cabero 2, Jimenez 0, Tañedo 0, Mulingtapang 0, Malaga 0.
Quarterscores: 25–19, 43–36, 59–50, 84–72.