Green Booters, tinigpas ng Golden Booters

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NAUDLOT ang paglusob ng De La Salle University (DLSU) Green Booters sa matatag na depensa ng University of Santo Tomas (UST) Golden Booters, 0–1, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium kahapon, Oktubre 26.

Maagang nagpamalas ng matikas na depensa ang dalawang koponan sa unang yugto nang salagin nina DLSU goalkeeper Edcel Lauron at UST keeper Mark Daig ang matutulis na tirada ng bawat isa upang manatiling busol ang talaan, 0–all.

Sinamantala naman ni UST player Rodrigo Mariñas ang pagdulas ng depensa ng Taft-based squad sa ika-64 na minuto matapos maagaw ang mintis na sagip ni Lauron upang itarak ang nag-iisang goal ng sagupaan para sa España-based booters, 0–1.

Pilit namang umatake ang Green Booters sa nalalabing minuto ng tunggalian sa bisa ng sipa ni Alonso Aguilar, subalit agad itong sinupalpal ng depensa ni Daig upang tuluyang selyuhan ang panalo para sa mga tigre.

Tangan ang 2–2–2 panalo-talo-tablado kartada, susubukang bumawi ng Berde at  Puting hanay kontra Adamson University Men’s Football Team sa parehong lunan sa ika–4:30 n.h. sa Nobyembre 6.