Tinig ng Lasalyanong makabayan, dumaluyong sa kahabaan ng Taft Avenue sa inilunsad na Lasallian Walkout

Kuha ni Carl Daniel Sadili

D-L-S-U, Laban sa Korap!

MATAPANG NA TUMINDIG ang mga estudyante ng De La Salle University – Manila (DLSU) sa kanilang pagliban sa klase at pagdalo sa ikinasang walkout ng Lasallians Against Corruption (LAC) at University Student Government (USG) upang iparating ang kanilang mga hinaing at panawagan laban sa korapsiyon nitong Oktubre 6.

Nagsimulang magtipon-tipon ang mga Lasalyano sa Central Plaza bitbit ang mga paninindigang nakaukit sa karatula at hiyaw ng pakikibaka patungo sa harap ng St. La Salle Hall. Sa kalaunan, nagpasiya ang mga estudyanteng lumabas ng Pamantasan upang samahan ang iba pang mga progresibong grupo upang dinggin ang kanilang mga daing sa kahabaan ng Taft Avenue.

Masinsinang paghahanda

Ibinahagi ni Sky Tuazon, kinatawan mula Kabataan Partylist Vito Cruz, na nabuo ang planong walkout mula sa nagkakaisang sentimyento ng mga Lasalyano pagkatapos ng malawakang protestang naganap sa Luneta at EDSA nitong Setyembre 21. Naniniwala siyang testamento ito ng pakikibahagi at pakikiisa ng mga Lasalyano sa galit ng taumbayan laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Nanindigan si Tuazon sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na isa sa pinakamataas na anyo ng protesta ng mga estudyante ang walkout dahil sa sakripisyo sa pagliban ng klase. “[It is the] very highest form of a protest, kasi [it] requires sacrifice. . . kasi you actively choose to leave your classroom [where] you can possibly have [a] risk of having [failure due to absences], so mataas siya na panawagan para sa mga estudyante,” paliwanag niya.

Inilahad niyang lumago ang bilang ng mga estudyante mula sa DLSU at De La Salle-College of Saint Benilde na nais makilahok sa matapang na paninindigan ng walkout laban sa korapsiyon. Tinukoy niya ang biglaang paglobo ng mga estudyanteng nakilahok mula 100 hanggang 1,100 na siyang senyales ng gising at buhay na diwa ng mga Lasalyanong makabayan.

Inamin niyang nabahala ang LAC sa pagsiguro na makasasama ang lahat ng mga estudyanteng nais makilahok sa walkout. Subalit, nanaig pa rin ang tapang na dala ng kagustuhan ng mga estudyanteng manawagan.

Ipinagtapat niyang hindi naging madali ang pag-organisa sa protesta lalo pa at nariyan ang banta ng panunupil ng estadong takot mabisto ang kanilang katiwalian. Itinuro rin ni Tuazon na ang presensiya ng kapulisan at pananakot sa seguridad ng kabataan bilang mga senyales ng pagkabahala ng estado sa pag-usbong ng mga kilos-protesta upang pigilan ang lehitimong panawagan ng kabataan.

Sa kabila ng mga ito, ikinagalak niya ang tuluyang paglabas ng mga Lasalyano sa lansangan at hindi lamang mula sa kanilang mga silid-aralan. Pinasalamatan naman niya ang mga estudyanteng lider na tumindig din kasama ang mga pamayanang Lasalyano sa laban kontra korapsiyon.

Ibinahagi naman ni Lee Fameronag, miyembro ng Panday Sining Malate, na isang militanteng pamamaraan ng pagtugis sa hustisya at pananagutan mula sa mga tiwali ang pagliban ng mga estudyante sa kanilang silid-aralan.

Tinig ng masa

Ipinahayag ni Leha Hassan, kasapi ng Kabataan para sa Tribung Pilipino, na bahagi ng paghahangad ng hustisyang panlipunan ang pakikibaka laban sa korapsiyon. Hinamon ni Hassan ang mga tiwaling opisyal na huwag maliitin ang kabataan. Aniya, “Naririnig namin ang bawat pagbulsa, nakikita namin ang bawat pagtakip, at hindi kami mananahimik.”

Pinasaringan din ni Hassan ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang estudyante ng DLSU na si Veronica Duterte, na hindi nabibili ng sinuman ang tunay na Lasalyanong makabayan.

Binatikos naman ni Hayme Alegre, kinatawan mula sa Kabataan Partylist, ang patuloy na paglaganap ng korapsiyon sa pamahalaan. Iminungkahi ni Alegre na mas nararapat na ilaan na lamang sa libreng edukasyon ang perang napupunta sa bulsa ng mga politiko mula sa mga proyektong ghost flood control para sa maayos na kinabukasan ng kabataang Pilipino.

Nanindigan din si 12 HUMSS Representative Zoriah Regio ng DLSU Senior High School Student Council na hindi dapat pinatatahimik ang kabataan sa harap ng katiwalian. Ibinunyag ni Regio ang sistematikong pang-aabuso at kapabayaan na patuloy na nararanasan ng mamamayan. Ani Regio, “We are not really submerged by water, we are controlled by betrayer. Flood water may rise, but it will not ground our resolve. Let justice flow.”

Idinaing naman ni Ralph Paunlagui, ID 125 mula Bachelor of Arts in Political Science, ang pagtangka ng administrasyon ng Pamantasang hadlangan ang protesta sa kadahilanang walang permit ang naturang rally. Tinira naman ito ni Paunlagui gamit ang mga isyu ng patuloy na pagtaas ng matrikula at ang tangkang panunupil sa malayang pamamahayag ng Pamantasan. “At no’ng sinabi namin ‘yon sa mga security at sa administrasyon, kahit hindi sila nakinig sa una, nakinig sila—pinalabas nila tayo,” pagtatapos niya.

Nagkakaisang panawagan

Naniniwala si Anakbayan Vito Chairperson Cruz Liway Molines na patunay ang pakikiisa at diwa ng Lasalyano sa mga prinsipyong isinabuhay ni San Juan Bautista De La Salle. Dagdag pa niya, nagsisilbing paalala sa gobyerno ang katapangan ng kabataan sa pagkamit ng pananagutan.  

Tinuldukan naman ni Bagong Alyansang Makabayan Chairperson Teddy Casiño ang konotasyong pagpapayaman lamang ang iniisip ng mga Lasalyano. “Kaya ang mga Lasalyano ay lumalabas sa lansangan dahil tayo ay naniniwala na ang lahat ng sangkot sa korapsiyon, dapat managot,” hiyaw pa niya.

Patutsada naman ni The Sanggunian Vice President Jedryc Romero mula sa Ateneo de Manila University na hindi magpapatinag ang mga estudyante sa mga sangkot na alumni hinggil sa korapsiyon. Hinikayat din niya ang mga Lasalyano na huwag magpapigil hangga’t hindi natatamasa ang pananagutan sa korapsiyon.

Nanindigan si College Editors Guild of the Philippines National Spokesperson Brell Lacerna na mahalaga ang gampanin ng mga pahayagang pangkampus sa pagbabago ng bulok na sistema ng edukasyon at ng lipunan. Panatag siya sa kakayahan at kaalaman ng mga mamamahayag sa kalagayan ng kanilang sarili at bansa. “Ang kanilang mga kalagayan [ang] lalo [pang] magbibigay sa kanila ng laya sa pakikiisa sa ganitong mga protesta paglabas ng Pamantasan,” saad niya.

Pinabulaanan din ni Chief Legislator Ken Cayanan ang nararanasang katiwalian sa Pamantasan. Tinukoy niya ang isyu sa patuloy na pagtaas ng matrikula at ang nakalilitong polisiya sa pagkansela ng mga klase. “Kapag gusto naming magpanukala ng mga polisiyang mas maproteksyonan ang freedom of speech nating lahat, we need to abide by the student handbook. However, anong mangyayari kapag ang mismong administrasyon ang hindi sumusunod sa student handbook?” daing niya.

Kasabay ng dagundong ng hiyaw ng pananagutan ng mga Lasalyano ang nakaririnding pagbusina ng mga motoristang naghahangad ng tapat at malinis na pamamahala. Sa sabayang pagliban sa klase, ipinabatid ng mga estudyante ang panawagang managot ang mga tiwali at dinggin ang boses ng sambayanang Pilipino. Muling pinapaalala ng kabataan na hindi madaling patahimikin ang mga naghahanap ng hustisya.