Lady Archers, tinuldukan ang pagaspas ng mga palkon

Kuha ni Florence Osias

KINALAWIT ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang bagwis ng Adamson University Lady Falcons, 53–52, sa pagwawakas ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 22.

Pinangunahan ni Lady Archer Zyla Lubrico ang pagbulabog sa hawla ng mga palkon matapos maglimbag ng 12 puntos, kaakibat ang apat na rebound at tig-dalawang steal at assist.

Inakay naman ni Adamson guard Elaine Etang ang langkay ng mga taga-San Marcelino nang maglista ng parehong 12 puntos, tig-apat na rebound at assist, at tatlong steal.

Agarang kumaripas sa ilalim ng ring si DLSU guard Aiesha Dizon matapos umukit ng drive tungong basket na ginatungan pa niya ng and-1, 3–0, na sinundan ng pagpukol ng bankshot ni Lubrico, 11–7, bago tapyasin ng mga taga-San Marcelino ang kalamangan sa unang yugto, 14–13.

Bigla namang humagibis ang palkong si Etang upang buksan ang ikalawang kuwarter matapos magpaliyab ng sariling 8–0 run, 16–23, na sinundan ng pagbira mula sa arko nina Lady Archer Mica Camba at Lady Falcon Brianna Bajo, 19–26, bago kumubra ng magkasunod na dos si Taft mainstay Kyla Sunga upang wakasan ang naturang yugto, 30–29.

Sariwa mula sa bench, bumuwelta agad ng dos si rookie Shantei Dizon upang pihitin tungong Taft ang momentum sa ikatlong kuwarter, 37–33, na sinundan pa ng paglikha niya ng reverse layup mula sa pasa ni Patricia Mendoza, 43–33, bago sumagitsit ang palkong si Kemberly Limbago, 46–37.

Patuloy ang tangka ng mga manunudla sa pagsipit sa mga pakpak ng mga palkon sa huling yugto matapos tumarak ng tres si Lubrico, 51–46, na dinagdagan pa ng koneksiyon ng magkatukayong sina Kyla Go at Sunga, 53–46, hanggang sa kinapos ang paglipad ng Lady Falcons nang bigong maipasok ni Crisnalyn Padilla ang panablang crucial free throw, 53–52.

Sukbit ang 3–4 panalo-talo baraha, susubukang dungisan ng Taft mainstays ang malinis na kartada ng University of Santo Tomas Growling Tigresses sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng torneo sa parehong lunan sa ika-7:00 n.g. sa Sabado, Oktubre 25.

Mga Iskor:

DLSU (53) – Lubrico 12, Go 11, Sunga 8, S. Dizon 8, A. Dizon 4, Camba 3, Anastacio 3, Dela Paz 2, Villarin 2, Mendoza 0, Villapando 0, Delos Reyes 0.

AdU (52) – Etang 12, Adeshina 7, Padilla 6, Meniano 5, Bajo 5, Apag 4, Limbago 3, Munoz 3, A. Alaba 2, Mazo 0, Cortez 0.

Quarterscores: 14–13, 30–29, 46–37, 53–52.