
GUMUHIT ng kasaysayan sa kanilang mga palad ang De La Salle University (DLSU) Lady at Green Woodpushers matapos makamit ang ikalawa at ikatlong puwesto sa pagtatapos ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Collegiate Chess Tournament sa Adamson University Gym nitong Linggo, Oktubre 19.
Bago ipagdiwang ang tagumpay, tinapatan muna ng Lady Woodpushers ang taktika ng Far Eastern University (FEU) Women’s Chess Team, 2.0–all, at hinarap ng Green Woodpushers ang sakunang bitbit ng FEU Men’s Chess Team, 0.0–4.0.
Extra wood-PUSH patungong pilak
Naunang patumbahin ni Kapitana Francois Magpily ang katapat mula Morayta na si Mhage Sebastian sa unang board matapos niyang maikulong ang katunggali gamit ang rook endgame at aktibong hari at pawn play, 1.0–0.0.
Nakagawa ng kaunting kalamangan sa kalagitnaan ng laban sa board 3 si Rinoa Sadey kontra kay Franchesca Largo ng FEU, ngunit dahil sa naramdamang pressure sa oras, tuluyang gumuho ang depensa ng Lady Woodpusher at isinuko ang laban sa katunggali, 1.0–all.
Nakamit ng Nicanor Reyes-based squad ang bentahe sa tapatan matapos sukbitin ni Samantha Umayan ang laro sa ikalawang board at samantalahin ang pagkakamaling nagawa ni Juzeia Agne sa pag-ariba ng kaniyang bishop patungong e2 sa ika-32 galaw, na siyang pumihit sa manibela ng tagisan patungo sa panig ng Tamaraws, 1.0–2.0.
Dikit na salpukan ang inilatag nina Lady Woodpusher Checy Aliena Telesforo at Vic Derotas ng FEU dahil nakasalalay sa kanilang huling tapatan ang kulay ng medalyang kanilang maiuuwi, ngunit ikinasa ni Telesforo ang King’s Indian Defense: Orthodox, Ukranian Defense upang mapasuko ang nanlalabang Morayta mainstays at maselyuhan ang pilak para sa Taft, 2.0–all.
Sinag matapos ang bagyo
Nagpamalas ng Grünfeld Defense: Hungarian Attack si DLSU rookie Rigil Pahamtang sa duwelo nila ni Morayta mainstay Franklin Andes sa ikaapat na board na nagresulta sa pagsuko ni Pahamtang matapos harapin ang peligrong dala ng pawn promotion at Mate in Three ng katunggali, 0.0–1.0.
Umeksena naman ang Sicilian Defense: Taimanov, Szén Variation sa engkuwentro nina DLSU sophomore Tenshi Biete at FIDE Master Mark Bacojo sa unang board, subalit umukit ng perpektong atake sa queenside ang reyna, knight, at obispo ng taga-Morayta upang pasukuin ang manunudla, 0.0–2.0.
Nakipagsapalaran ang isa pang rookie ng Taft na si Gio Ventura sa ikalawang board bitbit ang Sicilian Defense: Open, Accelerated Dragon, Maróczy Bind Formation kontra sa taga-FEU na si Jerish Velarde buhat ng samot-saring pakikipagpalitan ng piyesa simula ika-28 galaw, ngunit nailagay ang bagong salta sa alanganing posisyon kaya napako sa blangko ang kaniyang kartada sa pagtatapos ng torneo, 0.0–3.0.
Humarap naman sa Queen’s Gambit Declined: Exchange, Positional Line, Reshevsky Variation si Kapitan Cyril Telesforo kontra FEU player Lemmuel Adena sa ikatlong board, subalit napilitang umatras ang taga-Taft sa ika-61 move bunsod ng pagpapahirap ng reyna ng katapat, 0.0–4.0.
Nasawi man sa huling pakikipagtagisan, nakalikom pa rin ng 11 match point ang Green Woodpushers matapos ang 10 laban sa kabuoan ng UAAP, sapat upang ibulsa ang tansong medalya sa kabila ng matumal na simula sa unang yugto.
Marka ng kasaysayan
“Inaalay ko [ang tagumpay na] ito sa mga past teammates na nakasama ko throughout the journey, especially no’ng mga times na ‘di kami nananalo,” pagbabahagi ni Cy. Telesforo tungkol sa kabuluhan ng kanilang tagumpay sa pagtatapos ng pitong taong paghihikahos sa podyum ng Green Woodpushers, gayundin sa kaniyang huling taon ng pagwawagayway ng Berde at Puting watawat.
Ipinabatid din ni Rookie of the Year at Board 4 Gold Medalist Pahamtang sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang pasasalamat sa tulong ng kaniyang mga kasama sa koponan at mga tagapagsanay, at sa pagkakataong makapaglaro sa UAAP. Determinadong sambit ni Pahamtang, “Gusto kong magtuloy-tuloy ‘yung performance ko sa mga susunod pang season upang sana. . . maging much better ‘yung result namin next year.”
Napasakamay rin nina Sadey at Ch. Telesforo ang gintong medalya sa ikatlo at ikalimang board.
Gayundin, ginawaran ng pilak na medalya sina Green Woodpusher JL Valencia at Lady Woodpusher Lovely Geraldino sa ikaanim na board, at tansong gantimpala naman sa mga kapitan na sina Magpily at Cy. Telesforo sa una at ikatlong board.
Ibinahagi ni DLSU Head Coach Randy Segarra sa panayam ng APP ang pasasalamat sa kaniyang mga manlalaro sa paglaban nang buong puso para sa Pamantasan, “Nakita ko ‘yung heart ng mga bata. They played their hearts out at ‘yon. . . nakuha na natin ‘yung matagal naming ipinaglalaban.”
Aniya, babalik ang koponan sa ikaanim na palapag ng Enrique Razon Sports Center upang mas pagtibayin ang kanilang arsenal dahil magbabalik-aksiyon ang Green at Lady Woodpushers sa paparating na UAAP Season 88 Blitz Chess Tournament sa susunod na taon.