Krisis sa sakit at bulok na pag-iisip

Dibuho ni April Denise Besa

Pinaliligaran ng madidilim na aninong humahadlang sa pag-usad ang libo-libong Pilipinong namumuhay nang positibo sa human immunodeficiency virus (HIV). Pinipilit nilang abutin ang mailap na kaalwanan sa gitna ng panghuhusgang ibinabato ng lipunan. Sa lilim ng munting liwanag, nananahan ang pag-asang muling makasusumpong ng ginhawa mula sa kapalarang hindi nila ninasa.

Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH), higit 5,000 bagong kaso ng HIV ang naitala mula Enero hanggang Marso ngayong taong 2025. Tinatayang 57 ang nagpopositibo sa bawat araw na siyang pinakamataas sa rehiyong Asya-Pasipiko. Tumaas din ng 500% ang mga kaso ng HIV sa kabataang edad 15 hanggang 25 taong gulang. 

Kalimitang inuugnay ang pagkakaroon ng HIV sa hindi ligtas na pakikipagtalik ng kabataan at sa seksuwal na pakikipagrelasyon sa kapuwa lalaki. Dulot ng makitid na pananaw sa bansa, patuloy na nananalaytay ang mga maling impormasyon at malawakang stigma na siyang nag-uudyok sa mga taong magtago sa hiya at takot na mahusgahan. Hindi patas na ipinapako nito sa kasalanan at imoralidad ang mga taong positibo sa isang sakit na walang gamot ngunit maaari namang maagapan. Inilalayo rin sa siyensiya at tamang pagpapagamot ang mga taong hindi nagpapatingin o maagang nagpapasuri para sa kaso ng HIV dulot ng mga baluktot at paurong na paniniwala.

Higit pa sa pagkabahala, nangangailangan ng agaran at kongkretong aksiyon mula sa gobyerno upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng HIV sa bansa. Kaugnay nito, sinasang-ayunan ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang rekomendasyon ng DOH na ideklara bilang national public health emergency ang naturang sakit upang mas mapaigting sa lokal na lebel ang pagbibigay ng solusyon sa krisis.

Gayundin, iminumungkahi ng APP ang mas pinalawig na mga programa upang mapataas ang antas ng kamalayan ng kabataan tungkol sa HIV testing, prevention, at healthcare. Nararapat na magsimula ang pagmulat sa seksuwal na kalusugan at edukasyon sa mga tahanan, paaralan, at lokal na pagamutan kaya mahalagang maalam at bukas ang isipan ng mga magulang, mga guro, at mga health worker dito. Kinakailangan ding abutin ang mga nasa probinsiyang hindi pa nabibigyan ng sapat na kaalaman at akses sa pangangalagang pangkalusugan upang hindi lamang manatili sa lungsod ang progreso at kaligtasan.

Kinokondena rin ng APP ang anumang uri ng diskriminasyon laban sa mga taong positibo sa HIV. Dapat nang iwaksi ang stigma at panghuhusga sa lipunan upang magkaroon ng patas at makatarungang pagtrato sa kanila. Sa gayon, mas mapaiigting ang HIV testing sa bansa at hindi makukulong sa takot ang mga nais magpakonsulta. Makatutulong din ito upang mas mabigyan ng tamang gamutang makapagpapababa sa tiyansang makahawa ng sakit sa iba.

Hindi kabawasan sa dignidad ng sinuman ang pagkakaroon ng HIV. Lalong hindi ito dungis sa identidad—ano pa man ang edad, kasarian, at katayuan sa buhay. Sa laban kontra HIV, maging sa pagbalikwas sa negatibong pananaw dito, wala dapat naiiwan sa karimlan. Bagkus, sa kolektibong pag-aksiyon, magiging abot-kamay ang isang mapagpalayang lipunang yumayakap sa mga taong namumuhay sa pait ng mapanirang sakit.