Hanggang sa dulo ng walang hanggan: Kuwento ng pagmamahalan at pangungulila

Dibuho ni Christina Jean Lui

Sa harap ng altar, mayroong dalawang nagmamahalang nangako ng pagsasamang walang hanggan.  Biglaan man o dahan-dahan, dumarating ang wakas kahit sa mga kamay na dating ayaw maghiwalay.

Maikli man o mahaba ang samahan, nakadudurog ng puso ang pagkawala ng isang katuwang. Walang katumbas ang lungkot sa tuwing makikita ang bakanteng kama at hapagkainang dating pinagsasaluhan. Sa kabila nito, kinakailangan pa ring magpatuloy sa buhay ang naiwan. Paano nga ba maghihilom ang sakit na dala ng pagkawala ng kabiyak sa buhay?

Oda ng maagang nabiyuda 

Walang kinikilalang hadlang ang tunay na pagmamahalan. Patunay rito ang pag-iibigan nina Gilda Flores at ng kaniyang yumaong asawa. Sa pagsalaysay ng kanilang akda, dinig ang pagtangis ng hinagpis dahil sa pag-iibigang maagang naputol. 

Maagang sumugal sa laro ng pagmamahalan si Flores. Nagkakilala dahil sa lapit ng kanilang mga bahay, ngunit nagmahalang magkahiwalay dahil sa pangingibang-bansa ng asawa. Dalawang beses ikinasal—isa sa harap ng batas at isa sa simbahang saksi ang Diyos. Kuwento ni Flores sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), mas makahulugan ang pangalawa sapagkat tumalikod sa dating relihiyon ang kaniyang asawa alang-alang sa pag-iisang-dibdib nila.

Subalit, nauwi sa trahedya ang akda. Sa halip na si Flores ang uuwian mula pagbabalik-bansa, sa piling ng Maykapal tuluyang naisuko ang huling hininga nito. Sa isang padespedida para sa mga overseas Filipino worker na nakatapos ng kontrata, aksidenteng nakuryente ang kaniyang asawa. Hindi inaasahan ang pangyayari—isang habambuhay pa sana ang pagsasama, subalit ibang landas ang itinakda ng tadhana. 

Dibuho ni Christina Jean Lui

Sa sigarilyong hinihipak at kapeng tinutungga sa bawat gabi, bitbit ni Flores ang galos na iniwan bilang isang biyuda. Ngunit sa 40 taong pag-iisa, ipinaubaya na lamang niya sa panahon ang paghilom. Aniya, “Kailangan lang talagang tanggapin. Kasi the more na hindi mo tinatanggap, lalo kang nasasaktan.” Tinahak niya ang pagtanggap sa mapait na pagtatapos ng kanilang kuwento tungo sa landas ng paghilom. Bagaman nagpaalam na sa unos, hindi magmamaliw ang pagmamahal sa sumalangit na asawa. 

Huling kabanata ng mahabang pagsasama

Matagal mang nilakbay ang magulong agos ng buhay, walang katumbas ang kirot na mawalan ng kasama sa araw-araw. Kabiyak sa bawat yugto ng panata—sa hirap at ginhawa.

Sa kaniyang pagdadalamhati, pag-aalay sa Maykapal ang naging tanging sandigan ni Domingo Tuazon, 67 anyos at limang taong biyudo. Mahigit apat na dekada silang nagsama ng kaniyang asawa bago ito pumanaw dahil sa stroke.  “Wala tayong magagawa, ’yan ang plano ng Diyos,” bulalas ng tinig ng taong pagod na sa pakikipagbuno sa kawalan. 

Nawalan man ng kabiyak, hindi galit ang sumilay sa puso ni Tuazon; bagkus, pinili niyang tanggapin ang kaniyang kapalaran. Paglalakad sa umaga at pagbibisikleta ang mga simpleng gawaing kailangan niya upang muling buoin ang sarili. Ginagawa niya ito hindi para makalimot, kundi para mabuhay.

Hindi madaling bunuin ang proseso ng pagdadalamhati, ngunit sa tulong ng kaniyang mga anak at kamag-anak, unti-unting naghihilom ang sugat na iniwan ng pagkawala. Sa bawat luha, may pag-unawang dumarating; sa bawat yakap, may kaunting ginhawang sumisilip. Bagaman hindi tuluyang nawawala ang kirot, natututo siyang mamuhay muli—dala ang alaala ng minamahal sa puso.

Gabay para sa pangalawang buhay

Mabigat sa dibdib ang hindi madama ang kanilang presensiya sa araw-araw. Mahirap tanggapin ang realidad na hindi na sila babalik. Kasabay nito ang takot na mag-isang harapin ang mga responsibilidad na naiwan.

Para kay Dra. Noreen Molina, isang psychiatrist, iba-iba ang lalim ng pagsasama ng mga nabiyudo at nabiyuda. Iba-iba rin ang kanilang paraan upang magdalamhati. Payo niyang kilalanin ng mga nangungulila ang kanilang kapasidad sa pagproseso ng nadarama. Hindi dapat kinikimkim ang kalungkutan. Laging nandiyan ang mga anak, pamilya, kaibigan, at mga propesyonal na handang maging sandigan at gabay upang maproseso ang pagkawala. 

Nahihirapang magpatuloy ang isang pusong nagdurusa, sapagkat kinakailangang lumaban sa unos ng buhay nang mag-isa. Hindi nawawala ang sakit dala ng kanilang pagkawala. Subalit, patuloy na iikot ang kamay ng orasan at sa paglipas ng panahon, mapapawi rin ang lungkot na nararamdaman. Sa pagdating nito, hayaan lamang na maging bukas ang sarili. Paglalahad ni Dra. Molina, “It doesn’t mean that if you are happy, you love your lost loved one less. . . life doesn’t end with the life of another person.” 

Sa panibagong yugto, bigyang-pansin ang kagandahan ng mga simpleng bagay. Dito mahahanap ang  kabuluhan ng panibagong buhay. Tiyak na hangad ng namayapa ang makitang masaya ang kanilang minamahal. 

Pagsibol ng bagong umaga

Laging susundan ng bukang-liwayway ang bawat malamig na gabi—isang hudyat ng panibagong simula. Pinupunan ng mga alaala ang presensiyang naiwan ng mga pumanaw na asawa. Patuloy si Flores sa tahimik na pagyakap sa gunita ng nakaraan habang namumuhay nang may pagtanggap. Makikita rin si Tuazon na nagbibisikleta, handang baybayin ang panibagong yugto ng buhay para sa kaniyang minamahal.  

Iba-iba ang lunas sa bawat hinagpis—walang pinipiling lalim ang pagdadalamhati sa namayapang minamahal. Sa parehong pintuan ng puso kumakatok ang pangungulila at paghilom, gaano man nagtagal ang pagmamahalan. Walang kasiguraduhan ang tagal ng paghilom. Ngunit, kasabay ng bawat pagsikat ng araw ang patuloy na pagbangon ng mga nangungulila.