Lady Archers, dinakip ang hukbo ng Lady Warriors

Kuha ni Jean Carla Villano

NILUSOB ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang sandatahan ng University of the East (UE) Lady Warriors, 73–62, upang hugutin ang kanilang unang panalo sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kahapon, Oktubre 15.

Itinanghal na Player of the Game si DLSU rookie Kyla Go na kumamada ng double-double output na 14 na puntos at 12 rebound.

Umalagwa naman para sa Lady Warriors si Rachel Lacayanga na nagpamalas ng 21 puntos at pitong rebound.

Maagang umukit ng bentahe ang mga Lasalyano matapos buksan ni Taft mainstay Eli Delos Reyes ang unang kuwarter sa bisa ng atake sa loob, na ginatungan pa ng putback layup ng maaasahang si Tricia Mendoza, 10–2, hanggang sa tuluyang sinelyuhan ng buzzer beater jumper ni DLSU guard Luisa Dela Paz ang unang kabanata, 34–14.

Bumalikwas ang mga taga-Recto pagtungtong ng ikalawang kuwarter sanhi ng pamumuhunan ni Lacayanga sa loob ng paint upang tapyasin ang kalamangan, 39–24, ngunit agad na sumaklolo si Mendoza nang bumira mula sa arko at sumalakay mula sa ilalim, 49–34.

Nagpalitan ng mga tirada ang dalawang koponan pagdako ng ikatlong kuwarter, subalit nanaig ang Berde at Puting pangkat matapos manalasa sa loob ni Lady Archer Xyla Lubrico na tuluyang nagpamaga sa kanilang kalamangan, 66–45.

Nabuhay ang diwa ng mga kawal ng UE sa matulin na 12-0 run ng tambalang Lacayanga at Roshelle Lumibao upang kabigin ang talaan, 66–57, na binuweltahan naman ni Go ng suwabeng reverse layup bago tuluyang selyuhan ang panalo, 73–62.

Bitbit ang 1–4 panalo-talo kartada, sunod na sasalagin ng mga pambato ng Taft ang pagsalakay ng University of the Philippines Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-7:00 n.g. sa Linggo, Oktubre 19.

Mga Iskor:

DLSU (73) – Go 14, Sunga 11, Lubrico 9, Anastacio 9, Mendoza 8, Delos Reyes 6, Villarin 4, A. Dizon 2, Camba 2, Catalan 2, S. Dizon 2.

UE (62) – Lacayanga 21, Lumibao 11, Onate 10, Delig 6, Buscar 4, Gullim 4, Ronquillo 4, Dalguntas 2.

Quarterscores: 34–14, 49–34, 66–45, 73–62.