Green Archers, nakaalpas sa gapos ng Red Warriors

Kuha ni Jessica Soriano

SINALISI ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang bentahe kontra University of the East (UE) Red Warriors, 111–110, sa kanilang makapigil-hiningang pagtutuos sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kahapon, Oktubre 15. 

Nangibabaw bilang Player of the Game si DLSU point guard Jacob Cortez na kumana ng 26 na  puntos, limang assist, apat na steal, at dalawang rebound. 

Umagapay rin sina co-captain Earl Abadam at Mike Phillips na kapwa tumantos ng 18 puntos, habang nag-iwan naman  si Kean Baclaan ng nakagigising-diwang 17 puntos.

Nanguna sa dikit na kampanya ng UE si center Precious Momowei bitbit ang kaniyang career-high double-double output na 42 puntos at 13 rebound.

Niyanig ng maalat na simula ang luntiang koponan na tinangkang basagin ng salpak ni DLSU center Bright Nwankwo, 4–7, subalit hindi ito naging sapat upang kontrahin ang paglobo ng kalamangan ng Red Warriors bunsod ng pananalasa ng opensa ni guard Wello Lingolingo, 23–33

Pagpitik ng ikalawang yugto, numipis ang bentahe ng UE hango sa magkakasunod na pagporsyento ni Baclaan sa presensya ni Phillips sa ilalim, 32–25, ngunit bigong apulahin ng Taft mainstays ang pagliyab ng mga palad ni UE Team Captain John Abate sa labas ng arko, 46–60.

Sariwa mula halftime, nagpatuloy ang kalbaryong hatid ni Abate sa tres at ni Momowei sa poste na naging sapat upang siguruhin ang 21 puntos na kalamangan pabor sa mga taga-Recto, 54–75, ngunit namayani ang tatag ni Baclaan sa parehong dulo ng kort kaakibat ang binitawang 12 puntos sa ikatlong kuwarter, 74–82.

Dinomina nina DLSU playmaker duo Baclaan at Cortez ang talaan sa pagbubukas ng ikaapat na salang, subalit natigilan ang lahat matapos ang loose ball hustle play na naging dahilan ng paglabas ni Baclaan sa laro, 84–89. 

Sariwa sa pagkakaantala ng salpukan, inari na ni Cortez ang manibela ng DLSU at niragasa ang depensa ng mga nakapula upang angkinin ang kauna-unahang tabla, 93–all, na sinundan ng sagutang tinuldukan naman ng layup ni Momowei upang itulak ang laro sa overtime, 98–all.

Maagang pinatid ng Red Warriors ang momentum ng Green Archers matapos magtala ng 6–0 run pagpatak ng overtime, 98–104, ngunit kumaripas ang Taft mainstays sa huling dalawang minuto tangan ang 7–0 run na bumalewala sa buzzer-beater three ni Abate, 111–110.

Bitbit ang 3–3 panalo-talo kartada, tatangkaing dungisan ng luntiang koponan ang four-game winning streak ng defending champions University of the Philippines Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-4:30 n.h. sa Linggo, Oktubre 19.

Mga Iskor:

DLSU (111) – Cortez 26, Abadam 18, Phillips 18, Baclaan 17, Pablo 8, Marasigan 8, Gollena 4, Macalalag 4, Nwankwo 4, Daep 3, Dungo 1.

UE (110) – Momowei 42, Abate 25, Lingolingo 24, Caoile 6. Mulingtapang 4, Tañedo 4, Datumalim 3, Robles 2.
Quarterscores: 23–33, 48–60, 74–82, 98–98, 111–110.