Pagbuo sa pira-pirasong bubog ng bahaghari

Dibuho ni Aragorn Demoral

Napupuno ng mga naglalakihang bato ang madilim na yungib—mga hadlang na pumipigil sa pag-usad. Sa bawat hakbang, pasan ang alaala ng pananakit na paulit-ulit sumusugat.  Kahapon man o taon na ang lumipas, hindi madaling makaalpas sa dilim ng pang-aabuso. 

Napipilitang itago ng ilan ang kulay mula sa mata ng mapanghusgang mundo hanggang makulong sa pusod ng walang katapusang kadiliman. Subalit, sa gitna ng mga balakid, mayroong munting liwanag na sumisilip mula sa sulok ng yungib. Nagsisilbing tanging tanglaw sa makulay na landas patungo sa daang palabas ang pangako ng bukang-liwayway pagkatapos ng nakapipinsalang gabi. Isang aguhon patungo sa bagong simulang naghihintay matapos ang paghihirap. 

Simula ng madilim na yugto

Hindi maiiwasan sa buhay na makaranas ng mga madidilim na sandali. May mga pagkakataong hindi agaran dumarating ang liwanag. Nananatili rin ang mga masasakit na alaalang dinadala kahit ilang taon na ang lumipas. 

Ibinahagi ni Elsie*, 22 taong gulang, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang naging karanasan niya bilang miyembro ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual (LGBTQIA+). Sa murang edad, pinapasan na niya ang bigat ng pisikal at emosyonal na pang-aabuso ng magulang, partikular mula sa ina. Aniya, “Every time [na] bad mood siya, she would spiral, tapos I would hide in a closet.” Lalo namang sumidhi ang mental na pang-aabuso nang maging paksa siya ng paninirang-puri sa kadahilanang hindi siya umaayon sa nakasanayang imahen ng pagiging lalaki.

Hindi rin naging madali ang kaniyang buhay sa paaralan dahil hindi natapos ang pighating dinanas. Napagbintangan siyang magnanakaw at hinusgahan ng mga kamag-aral kahit na siya ang biktima. Umabot din ito sa pisikal na pananakit tulad ng pambubugbog. Hindi naging patas ang lipunan kay Elsie sa pagiging miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ dahil hindi niya natamasa ang proteksiyong dapat niyang nararanasan.

Idinulog ni Elsie sa kaniyang ina ang mga pag-iisip na wakasan ang sariling buhay, ngunit nagkibit-balikat lamang ito. Ipinakita rin ng ina ang istereotipikal na pananaw, gaya ng pag-ugnay ng human immunodeficiency virus sa mga miyembro ng komunidad na tulad niya. Niresetahan din siya ng kaniyang sikolohista ng mga gamot upang makatulog nang maayos at binigyan din ng mga payo upang makapagsimula muli. Inamin din niya sa APP na nakabuti sa kaniya ang paglayo sa kinagisnang pamilya upang tahakin ang paghilom. 

Ibinahagi niyang hindi ito naging madali. Akay-akay pa rin niya ang mga pilat ng mapapait na karanasan simula pagkabata. Ngunit, hindi niya hinayaang manatili na lamang siya sa nakaraan. Inihayag niyang ang pagtanggap at pagkilala sa pang-aabusong nangyari sa kaniya ang pinakamahalagang hakbang sa kaniyang paghilom. Sa ngayon, paglaya ang kaniyang hiling para sa sarili pati na rin sa ibang nakararanas ng pang-aabuso.

Sa silid ng paghilom

Kinapanayam ng APP si Rolf Gian Marcos o mas kilalang Mx. G, psychometrician at kasalukuyang tagapangulo ng Psychological Association of the Philippines LGBT Psychologist Special Interest Group. Sa kaniyang larangan, nagtatagpo ang karunungan at emosyong tumutulong maintindihan ang iba’t ibang karanasan.

Ibinahagi ni Mx. G na sa espasyo ng terapiya, muling natututo ang mga biktimang humugot ng lakas mula sa iba’t ibang anyo at paraan. Sa gabay ng propesyonal, napag-uusapan ang mga mapang-abusong karanasang naisantabi ng biktima. Kabilang dito ang mga paninirang-puri sa loob ng paaralan, pananakit sa lansangan, at tahimik na pagtalikod mula sa pamilya. Ipinunto ni Mx. G na nagdudulot ito ng depresyon, trauma, at sa ilang pagkakataon—pagkitil ng buhay.

Madalas, hindi hayag ang danas ng biktima dahil sa takot na pagtawanan o husgahan. Ani Mx. G, hindi nila naipagtatapat ang kanilang pinagdadaanan dahil sa bigat at paninisi sa sarili. Bahagi rin ng paghihirap nila ang tinatawag na internalized transnegativity—mga paniniwalang naitanim sa sarili mula sa mapanghusgang lipunang itinuturing silang mali. 

Higit sa terapiya,  iginiit ni Mx. G na nakaugat ang paghilom sa presensiya at malasakit ng mga taong handang dumamay. Buo ang kaniyang paniniwalang maitataguyod lamang ang isang ligtas, mapagkalinga, at inklusibong lipunan sa pagiging makatao sa sarili at kapuwa. Sambit niya, “Despite us being diverse and different from one another, think of our shared humanity, think of our commonality; at the end of the day we’re all human beings.”

Sulyap sa sikat ng araw

Sa kabila ng pagkaligaw sa loob ng yungib, tiyak na may sasalubong na pag-asa. Hindi lamang ito nagniningas mula sa sariling tapang. Nagbibigay-linaw din sa daan ang mga kamay na umalalay at mga tinig na bumulong ng ginhawa. 

Tila mga piraso ng kaniyang sariling unti-unting binubuo ang bawat kulay ng bahaghari. May sariling landas ang bawat isa sa paghilom. Walang iisang paraan o nakatakdang panahon upang muling masilayan ang sikat ng araw. Ikubli man ng dilim, patuloy na naghihintay ang bahagharing sumasagisag sa pagbangon. 

*hindi tunay na pangalan