Lady Archers, nilamukos ng Lady Bulldogs

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

YUMUKOD ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra defending champions National University (NU) Lady Bulldogs, 68–86, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion kahapon, Oktubre 12.

Nanguna para sa Lady Archers si Paula Anastacio bitbit ang 14 na puntos, walong rebound, at tatlong steal.

Samantala, bumida naman para sa Lady Bulldogs si veteran Kristine Cayabyab matapos maglista ng 18 puntos at pitong rebound.

Maagang umatake ang DLSU sa unang yugto nang magpasabog ng tres si Xyla Lubrico, 13–8, bago sinubukang palobohin ng Lady Archers ang kanilang kalamangan, ngunit nalimitihan ang kanilang pagpuntos sanhi ng mga sablay na tira sa pagtatapos ng unang sampung minuto ng salpukan, 21–20.

Pag-arangkada ng ikalawang kuwarter, pumihit patungong Jhocson ang daloy ng laro nang kumamada ng layup si Karl Ann Pingol hanggang sa hindi na nakapalag ang Taft mainstays at tuluyang nilamon ng mainit na opensa ng NU, 44–29.

Agad na nagpasiklab mula sa arko sina Jhocson-based player Dindy Medina at Aloha Betanio pagdako ng ikatlong yugto upang palobohin ang abante ng Lady Bulldogs, 34–53, na binuweltahan naman ng fastbreak si Kyla Go para sa DLSU, subalit nakapagpundar na ng 20 puntos na bentahe ang NU bago mapadpad sa huling kuwarter, 46–66.

Tinangkang buhayin ng Lady Archers ang laro sa bisa ng mga mid-range jumper at layup nina Eli Delos Reyes at Luisa Dela Paz, ngunit agad itong sinagot ng magkakasunod na marka ng NU upang mapanatili ang DLSU sa lusak, 68–86.

Tangan ang mapanglaw na 0-4 panalo-talo kartada, sunod na kahaharapin ng Lady Archers ang University of the East Lady Warriors sa SM Mall of Asia Arena sa ika-4:30 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 15.

Mga Iskor:

DLSU (68) – Anastacio 14, Go 12, Delos Reyes 10, Mendoza 8, Lubrico 5, Villarin 5, Camba 4, Sunga 4, A. Dizon 2, Dela Paz 2, S. Dizon 2.

NU (86) – Cayabyab 18, Villanueva 15, Surada 14, Betanio 8, S. Medina 8, Solis 6, D. Medina 6, Pingol 5, Pring 2, Alterado 2, Garcia 2.
Quarterscores: 21–20, 29–44, 46–66, 68–86.