
SINUPIL ng De La Salle University (DLSU) Green Booters ang langkay ng Adamson University Men’s Football Team, 3–1, sa kanilang unang duwelo sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium kahapon, Oktubre 12.
Mabilis na nagliyab ang hidwaan ng magkabilang koponan matapos bumira ng strike si Taft mainstay Neil Estampador sa ika–13 minuto, na agarang sinagot ni Adamson forward Golike Doko upang itabla ang talaan, 1–all.
Umukit naman ng goal si DLSU rookie John Gaverza sa pagpatak ng ika–17 minuto upang maibalik ang kalamangan sa Berde at Puting hanay, 2–1.
Sa pag-arangkada ng ikalawang yugto, bahagyang nanlamig ang mga manlalaro ng parehas na panig matapos magpalitan ng mintis na tirada.
Bumalik ang sigla ng mga pambato ng Taft sa bisa ng maliksing atake ni Green Booter rookie James Sibla sa ika–66 na minuto upang tuluyang ibulsa ang panalo, 3–1.
Tangan ang walong puntos mula sa 2–1–2 panalo-talo-tablado baraha, hahamunin ng Taft-based squad ang defending champions Far Eastern University Men’s Football Team sa parehong pook sa ika-4:00 n.h. sa Linggo, Oktubre 19.